Advertisers
TALIWAS sa inihayag ng ilang kaibigan ni Christine Dacera na wala silang nakitang “droga” sa kanilang yearend party sa isang hotel sa Makati, lumilitaw naman sa testimonya ng isa sa mga dumalo na may nakita siyang “powder drugs.”
Sa ulat, nakasaad sa sinumpaang salaysay ni JP Dela Serna na isang “Mark Anthony Rosales” ang nagdala ng “powder drugs””… Bandang 1:00 am ng January 1, 2021 ay may ipinakita si Mark Anthony Rosales habang kami ay nag-iinuman na may dinukot siya sa kaniyang medyas at ipinakita sa amin ang isang powder drugs na nakabalot sa plastic,” saad sa salaysay.
“Inaya po niya akong gumamit nito ngunit hindi ako pumayag. At pagkaraan ay nakita kong lango na sina Louie [de Lima] at Mark dahil sa ginamit nila na powder drugs na dala ni Mark,” sabi ni Dela Serna.
Sa press conference kamakailan ng ilang kaibigan ni Dacera na kasama sa hotel, sinabi ni Rommel Galido na nagsumbong sa kaniya ang dalaga na tila may inihalo si “Mark” sa kaniyang inumin kaya nag-iba ang kaniyang pakiramdam.
“Tumabi siya sa’kin, then sabi niya, ‘Sis, parang I feel something, parang naiiba ‘yung pakiramdam ko.’ I think merong naglagay sa drink niya, sabi niya sa’kin. Then sabi ko, ‘Who?’ and then sabi niya, ‘I think Mark,’” ayon kay Galido.
“Then sabi ko lang sa kanya, ‘Gaga, kung ano anong pinag-iisip mo.’ Gumano’n lang ako sa kanya then dinedma ko na siya, bumalik na naman ako sa pagtulog,” patuloy niya.
Nang tanungin kung sina Mark na tinutukoy ni Dacera, ayon kay Galido: si Mark Anthony Rosales.
Samantala, sa tulong ng security camera ng hotel, nalaman na 7:00 am nang mag-alisan ng hotel ang ilan sa mga lalaking umukupa sa Room 2207, ang katabing kuwarto na 2209 naman ng grupo ni Dacera.
Sinabi ng mga kaibigan ni Dacera na ilang beses tumawid sa 2207 ang dalaga kungsaan nakita rin sa CCTV na sinusundo pa nila ito pabalik sa kanilang kuwarto na 2209.
Sakay ng pulang kotse ang ilan sa mga umukupa ng 2207 nang umalis sa hotel, ilang oras bago nakitang hindi na humihinga sa bathtub si Dacera.
Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga taong umukupa sa 2207.
Sa ulat, 2209 ang unang kuwarto na ipina-book ng grupo ni Dacera noong December 30.
Kinabukasan December 31, nagpareserba pa ng isang kuwarto ang grupo na 2207 naman.
Sa salaysay, sinabi ni John Paul Halili, hotel manager at kaibigan ni Dacera, siya ang nag-asikaso sa mga kuwarto na hiniling ng grupo.
Si Dela Serna umano ang nagpakilala kay Halili sa mga umukupa sa Room 2207.
***
Alcohol o illegal drugs intake, matutukoy sa ‘bodily fluids’ na nakuha sa bangkay ni Dacera – NBI
MADALI lamang matutukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) kung mayroong alcohol o iligal na droga sa katawan ng flight attendant na si Christine Dacera na namatay sa isang hotel sa Makati City noong New Year’s Eve.
Ayon sa NBI, kahit dalawang beses nang isinailalim sa otopsiya ang bangkay ng biktima ay mayroon parin nakuhang 100 mililiters ng bodily fluids sa katawan ni Dacera sa isinagawang ikalawang autopsy sa General Santos City bago inilibing si Dacera noong weekend.
Sa pamamagitan nito ay maari nang matukoy ng NBI kung ano ang mga inimom ng 23-anyos na fllight attendant bago ito namatay.
Ang fluids at organs naman ni Dacera ay sasalang muna sa DNA analysis.
Sinabi ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin na mayroon na silang interesting leads sa krimen at tiwala itong magkakaroon na ng resulta ang imbestigasyon sa mga susunod na araw.
Maging ang biological samples mula sa hotel ay sinusuri narin ng NBI.
Sa ngayon hinihintay ng NBI ang resulta ng tests na isinagawa ng Makati Medical Center sa katawan ni Dacera na sinasabing agad idineklarang dead on arrival.
Nitong Lunes, ipinatawag ng NBI ang mga indibidwal na nasa hotel na nakasama ni Dacera bago ito mamatay.
Pati ang mga indibidwal na nasa kabilang hotel rooms na naka-check in noong naganap ang insidente ay ipinatawag ng NBI para magbigay ng kanilang testimonya.
Madali lamang nakilala ng NBI ang mga ito dahil nasuri narin ng NBI ang CCTV footages sa hotel partikular sa reception, entrance, lobby, coridor maging sa loob ng elevator.
***
Ilan sa akusado sa Dacera case tinanggalan na ng sweldo
INILAHAD ni Kian Ang, kaibigan ng mga akusado sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, na ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay tinanggalan na ng sweldo dahil sa ongoing investigation sa kanila.
Si Rommel Galido ay nawalan raw ng apartment at hindi na makalipad bilang isang flight attendant habang iniimbestigahan pa ito.
Humihingi naman ng tulong si Valentine Rosales upang makakuha sila ng abogado.
Dahil dito, nag-fund raising ang magkakaibigan para lumikom ng pera na pambayad ng kanilang mga abogado.
P1-2 million daw ang goal nilang maipon sa kanilang fund raising.
Sinabi rin ni Kian na napapansin ng kanyang mga kaibigan na tinitiktikan sila ng mga hindi kilalang tao kapag lumalabas sila ng bahay. (Jocelyn Domenden)