Advertisers
SINAMPAHAN ng kasong graft sina dating PhilHealth chief Ricardo Morales, at iba pang opisyal at empleyado ng state health insurer dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa maanomalyang paglabas ng pondo na nakalaan sana para sa mga “fortuitous” events kagaya ng covid-19 pandemic.
Inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang reklamo laban sa naturang mga indibidwal dahil sa paglabag umano ng mga ito sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Inihayag ng NBI na pinayagan ng mga respondents ang release ng P33.8 million sa ilalim ng interim reimbursement mechanism (IRM) funds sa B. Braun Avitum Philippines Inc., isang dialysis center na nag-operate sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa NBI, ang IRM ay ginagamit lamang dapat sa tuwing mayroong fortuitous events gaya ng outbreaks o pandemics, kung saan ang mga dialysis centers at iba pang kahalintulad na institusyon ay hindi kabilang.
Idinemanda rin ang mga respondents na ito dahil sa misappropriation ng pondo, na maituturing paglabag sa National Health Insurance Act of 2013.
Ang mga public officials na dawit dito ay mahaharap din sa administrative charges na grave misconduct, gross negligience, at conduct prejudicial to public interest.
Ang mga respondents na ito base sa listahan ng NBI ay sina Dr. Israel Francis Pargas, senior vice president, Health Finance Policy Sector; Arturo Alcantara, Task Force Informatics; Gregorio Rulloda, area vice president II at concurrent vice president, PhilHealth Regional Office-NCR; Dr. Imelda Trinidad De Vera, head ng Benefits Administration Section; Lolita Tuliao, manager ng PhilHealth Regional Office NCR – Central Branch; Gemma Sibucao, fiscal examiner A ng PhilHealth Regional Office NCR – Central Branch.
Kasama rin sina Lailani Padua, Fiscal Controller II ng PhilHealth Regional Office NCR – Central Branch; Dr. Cynthia Camacho, head ng Benefits Administration Section, PhilHealth Regional Office NCR North Branch; Recto Panti, manager ng PhilHealth Regional Office NCR – North Branch; Maricar Barangtay, fiscal examiner II ng PhilHealth Regional Office NCR – North Branch; Victoria Gatuz, social insurance officer II ng PhilHealth Regional Office NCR – North Branch; at iba pang John/Jane Doe mula sa iba’t ibang branches ng PhilHealth sa NCR.
Idinemanda rin ang mga opisyal ng Braun Avitum na sina: Arsenia Ladores, finance director; Eduardo Rodriguez, managing director; at Ricky Paglicawan, sales and marketing director.
Ayon sa NBI, inilabas ang IRM funds bago pa man nagkaroon ng covid-19 pandemic, pero ginamit ito para sa hemodialysis procedures, na hindi naman maituturing bilang fortuitous.
Binigyan-diin din ng NBI na ipinagkaloob ng PhilHealth ang release ng IRM fund sa Braun Avitum kahit pa mayroon itong kahina-hinalang track record.
(Josephine Patricio)