Advertisers
NILUNSAD nitong Huwebes sa pangunguna ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano ang ‘Balik sa Tamang Serbisyo’ (BTS) bloc sa Kongreso para muling mapagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang mga mahahalagang isyu tulad ng COVID-19 vaccination program at economic recovery ng bansa, mga presyo ng bilihin at kuryente, at iba pang nakakaapekto sa pang araw-araw na buhay ng mga mamamayang Pilipino.
Ayon sa dating House Speaker na Cayetano, kailangang pagtuunan ng pansin ang mga isyung ito na tila nawalan na ng pokus sa Kamara de Representante, na dapat sana ay sinusuportahan ang mga prayoridad ng Duterte administration habang nanatiling isang independent na institusyon.
“Kailangan natin ay Bayanihan at Tapang sa Serbisyo na nawala na sa Kongreso,” ayon kay Cayetano. “Huwag panay puro pulitika lang.”
“‘Best of the Best’ ang hangad ko para sa bawat Pilipino,” dagdag pa ni Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na isa sa mga dapat pagtuunan ng pansin ay ang COVID-19 vaccination plan ng gobyerno, para matiyak na magiging maayos, patas, at walang mintis ang programa para mabigyan ng vaccine ang kailangang mabakunahang Pilipino.
Kasama sa BTS bloc ang ilang dating lider ng Kamara sa pangunguna nina former Deputy Speakers Camarines Sur Cong. L’Ray Villafuerte, Laguna Cong. Dan Fernandez, Batangas Cong. Raneo Abu at Capiz Cong. Fredenil Castro; Bulacan Cong. Jonathan Sy-Alvarado na dating chairman ng House committee on good government and public accountability; at Anakalusugan partylist Cong. Mike Defensor, na dating chairman ng House public accounts committee.
Sinabi ni Defensor na hindi lamang sila ang kasapi sa independent bloc na ito, kundi marami pa silang mga committee chairperson at iba pang miyembro ng Kamara na kasama sa BTS.
Ani Defensor, ang mga kasama nila sa BTS Congress bloc ay ang mga nagtatrabaho dati sa Kongreso na gusto muling ibalik ang dating sigla at sipag sa Kamara para makatuon ito sa mga bills na kailangang ipasa agad, tulad ng pag-postpone sa pagtaas ng Philhealth contributions ngayong taon na pinag-utos ng Pangulong Duterte, pero na nangangailangan ng batas bago magkabisa.
Ayon kay Villafuerte, nauwi na sa puro pamumulitika na lamang ang nangyayari ngayon sa Kamara sa ilalim ni Speaker Lord Allan Velasco, sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga importanteng panukala tulad ng mga bills para muling mapasigla ang ekonomiya at mga negosyo, at patuloy na mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap nating kababayan.
Si Alvarado naman ay gustong ibalik ang mga imbestigasyon sa Kongreso ng good government committee para mapukpok ang mga ahensya ng gobyerno at ang private sector na pagandahin ang kanilang serbisyo at mawala ang korapsyon sa gobyerno.
Dapat namang pagtuunan din ng pansin ang pagtaas ng presyo ng bilihin at kuryente, at mga kapakanan ng mga magsasaka, ayon kay Fernandez.
Si Abu naman ay pinaalala ang mga rehabilitation program ng mga lugar na nasalanta ng bagyo at ng Taal volcano eruption, na tila nakalimutan na ng Kamara.
Ani Castro, hindi na rin napansin ng kasalukuyang liderato sa Kamara ang mga maiinit na isyu sa peace and order, tulad ng nangyaring pamamaril ng isang pulis sa isang mag-ina kamakailan, at ang lumalalang problema ng online child pornography sa bansa.