Advertisers
NAG-ISYU na ng arrest warrant ang Sulu Regional Trial Court (RTC) upang ipaaresto ang siyam na mga pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na mga sundalo noong Hunyo ng nakalipas na taon.
Kinumpirma ni Atty. Honey Delgado, spokesperson ng Office of the Prosecutor General na ang kautusan ng korte sa pagpapaaresto sa mga pulis ay inilabas nitong Huwebes, Enero 14.
Sa ngayon dinidinig naman ang hiling ng prosekusyon na pagpapalabas ng hold departure orders laban sa mga akusado.
Ang warrant of arrest laban sa siyam na respondents na mga dating pulis ay inilabas ni Acting Presiding Judge Alsad Alfad Jr., ng Regional Trial Court 9th Judicial Region Branch 3 ng Jolo,Sulu.
Kabilang sa pina-aaresto na ngayon ng korte ay sina Abdelzhimar Padjiri, Hanie Baddiri, Iskandar Susulan, Ernisar Sappal, Almudzrin Hadjaruddin, Sulki Andaki, Alkajal Mandangan, Rajiv Putala at Mohammad Nur Pasani.
Matatandaan na una nang binansagan noon ng PNP na misencounter ang nangyari, bagay na mariing kinontra ng AFP.
Napatay sa naturang insidente sina Army officers Maj. Marvin Indammog, Cpt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco at Cpl. Abdal Asula habang may operasyon laban sa dalawang mga miyembro ng Abu Sayyaf group sa Sulu.
Nitong nakalipas lamang na araw ay pinalaya ng PNP naturang mga pulis sa kabila ng kahilingan ng DOJ na i-hold muna ang mga ito hangga’t walang arrest warrant.
Iniulat na rin ni PNP chief Gen. Debold Sinas na sinibak na ang mga ito sa serbisyo. (Josephine Patricio)