Advertisers
NAGING payapa ang pagdiriwang ng kapistahan ng Sto.Nino de Tondo at Pandacan sa Maynila dahil narin sa pagsisikap ng pamahalaang lungsod na maging maayos at matiyak ang pagpapatupad na health protocols para hindi kumalat ang Covid-19 .
Sa tulong narin ito ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na walang humpay sa pagpapalala sa mga inidibidwal na sumunod sa ipinag-uutos hindi lamang ng DOH kundi maging ng lokal na pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor “Isko Moreno” Domagoso.
Pinasalamatan ng alkalde ang publiko partikular ang mga deboto dahil sa pagpapairal nila ng kanilang disiplina sa gitna ng pandemyang kinakaharap ngayon ng buong bansa..
Pinasalamatan din ni Domagoso ang buong puwersa ng MPD sa pamumuno ni District Director, Brig. Gen. Leo Francisco, sa puspusan nilang paghahanda sa pagdiriwang ng mga Kapistahan.
Tulad sa Traslacion, lalong pinaigting ng MPD ang “police visibility” sa mga lugar na sakop ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Niño partikular na sa Tondo at Pandacan .
Mahigpit na ipinatupad ang mga umiiral na batas at kautusan ng alkalde tulad ng pagsusuot ng facemask, liquor ban, at pagsunod sa health protocols tulad ng physical distancing.
Ipinatupad din ng MPD ang “zero vendor” at “zero obstruction” sa paligid ng simbahan sa Tondo at Pandacan kaya’t naging maayos, maaliwalas at maluwag ito para sa mga deboto na nagsimba at nakiisa sa Pista ng Sto. Niño.
Batay sa datos ng MPD, umabot lamang sa 26 ang lumabag sa ipinapatupad na liquor ban sa Tondo at Pandacan nitong Linggo, kapistahan ng Sto. Nino. (Joelyn Domenden)