Advertisers
PINANGUNAHAN nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang simulation exercise, Martes, Jan.19 sa Universidad de Manila (UdM), bilang paghahanda ng lungsod ng Maynila sa tuluyang paglalatag ng programa sa bakuna.
Kasama si Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold Pangan, ipinaliwanag ni Moreno ang step-by-step na proseso na kailangang gawin kapag dumating na ang bakuna sa bansa at handa na itong ibigay sa mamamayan.
Ang layunin ng nasabing simulation, ayon kay Moreno ay upang matiyak kung paano gawin ang pagbabakuna at iba pang posibleng mangyayari na kaugnay nito kabilang na ang mga aberya at kung paano ito mareresolba.
“Gusto naming malaman ang mga posibleng scenario na pwede makapagpabagal, palpak or mishandling of products.. we simulate while waiting for the vaccines… para mapag-aralan ang future na pwede maging problema,” pahayag ni Moren.
Binanggit din ng alkalde na nais nilang malaman kung epektibo ang ginamit nilang technology, partikular ang manilacovidvaccine.com, kung gaano ito maasahan para sa mga pre-registered individual at ang hamon para sa non-registered.
“We just want to get a feel of paano magiging mabilis maibakuna ang ligtas at sertipidado ng mga ahensiya ng gobyerno, how it goes later on, ano ang aasahan ng tao, gaano ba katagal, ano ang dapat nilang gawin, ano ang gagawin sa kanya pag nasa vaccination area,” sabi ng alkalde na idinagdag din na ang totoong bilang ng oras sa proseso ay malalaman depende kung sino ang nagbabakuna, , lot number at brand ng vaccine na ginamit at kailan, dahil ito ay mahalagang detalye para sa IDs na ibibigay sa mga nakapagpabakuna na.
Sa kanyang parte, sinabi ni Lacuna na isang doktor na ang pag-aaral ng tumatakbong oras ay inaasahang magpapakita kung anong mga problemang posibleng lumitaw, pero ito ay kung maliit lang ang populasyon.
“Baka may second simulation pa na mas malaki. Average of six minutes ang isang pre-registered patient plus 30 minutes na mag-stay siya sa area for observation of any untoward effects,” paliwanag ni Lacuna
Ang mga opisyal ng lungsod at mga directors ng city-run hospitals, kabilang na si Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center chief Dr. Ted Martin, ay naroroon din sa simulation upang magmasid at maramdaman ang vaccination pogram dahil sila man direktang kabilang sa ginawang proseso.
Sa ilalim ng inilatag na proseso ng lungsod, ang unang hakbang ay check up ng vital signs tulad ng blood pressure, temperature at pulse. Mula dito ay ipapakita na niya ang kanyang QR code kung siya ay pre-registered at i-screened habang ang kanyang mga detalye ay beberipikahin para sa ID system. Mayroon ding hiwalay na naka- assigned para sa non- registered.
Mula dito siya ay babakunahan na at pagkatapos ay tutungo sa itinakdang lugar para obserbahan para sa posibleng side effects.
May mga professional medical personnel at ambulansya na naka-standby para sa mas malalang pangyayari, gayunman ay tiniyak ni Moreno na ang bakuna na gagamitin ay ang mga bakunang certified na ligtas at epektibo ng mga national health authorities. (ANDI GARCIA)