Advertisers
KINUMPIRMA ni Police Major Joseph Tayaban,hepe ng PNP-Badoc, na nakauwi na sa kanilang bahay ang mag-amang mangingisda na naulat na nawawala nang pumalaot sa Laoag city.
Ayon kay Tayaban, ang mag-amang Oscar Retamal at Aljon Pagud na residente sa Barangay Gabut Norte sa naturang bayan ay 21 oras na nagpalutang-lutang sa dagat hanggang sa mapadpad sa Barangay Lapaz sa Laoag.
Nabatid na tumaob at nabutas ang bangka ng mag-ama dahil sa malalaking alon sa laot. Ginamit lamang nila ang sirang bangka para lumutang at sinikap na makarating sa tabing dagat.
Isang nagngangalang Gemma Basican ang tumulong sa mag-ama para makarekober agad sa gutom at pagod.
Agad naman, aniya, na nai-report sa PNP at sa Coastguard na nasa pampang na ang mag-amang mangingisda at sinundo nila ito.