Advertisers
NASAWI ang tatlong sakay ng tricycle, kabilang dito ang dalawang paslit, at dalawa pa ang sugatan nang mabangga ng humaharurot na pick up truck sa kahabaan ng Romulo highway sa Barangay Pada-pada, Sta. Ignacia, Tarlac.
Sa report nina MSgt. Randy Ramos at MSgt. Joel Feliciano, ang mga nasawi at nakilalang sina Mark Emilio D. Claudio, 2 anyos; Caster Jas D Claudio, 5; at Cristal D. Gomez; habang nasa kritikal na kondisyon sina Adela Jimenez, 47; at Anagay Mandapat, 26, kapwa residente ng Sta. Ines East sa nabangit na bayan.
Ligtas naman ang driver ng tricycle na si Joselito Canlas, 52, ng Brgy, San Nicolas, Tarlac City.
Kinilala naman ang mga sakay ng “Kolong-kolong” na sina Nikko Contapay, driver; Lorena Daguio; at Recalyn Manuel, kapwa taga Brgy. Santiago, Gerona.
Arestado naman ang driver ng pick-up na si Michael James Munos Aquino, nasa hustong gulang, ng Brgy. Burot, Tarlac City.
Sa ulat, magkasunod ang kolong-kolong at ang pick-up na patungo sa bahagi ng Cami-ling, habang nasa kabilang linya ang tricycle na puno ng pasahero.
Ayon sa report, kinabig ng driver ng kolong-kolong sa linya ng tricycle, dahilan para magkarambola ang dalawa, na nagdulot ng malakas na impact na bumangga sa pick-up, na dumaan sa outer lane na naging sanhi ng matinding aksidente.
Nasa kostudiya na ng PNP ang mga driver ng tatlong sasakyan na sangkot sa malagim na aksidente.
(Thony D. Arcenal)