Advertisers
LAGUNA – Hinihinalang bangag sa bawal na gamot at wala sa tamang pag-iisip ang isang lalaki na puwersahang pumasok at pagnakawan ang bangko ng BPI sa Barangay Pagsawitan, Sta. Cruz, Huwebes ng hatinggabi.
Sa ulat ni Lt. Col. Chitadel Gaoiran, hepe ng pulisya, kay Laguna PNP Provincial Director Col. Serafin Petalio II, na-kilala ang lalaki na si Rhomey Rabanzo, 36, may asawa, crane operator, ng Sitio I, Bgy. Palasan, Sta. Cruz.
Ayon kay Gaoiran, 11:30 ng hatinggabi nang makatanggap sila ng tawag matapos umalarma ang bangko at nakita sa CCTV na may tao sa loob.
Sa pagresponde ng pulisya, nadiskubre ang binasag na kalahati ng salamin ng pintuan (main door) gamit ang malaking bato para makapasok sa loob ang magnanakaw. Walang security guard ang bangko.
Nang pasukin ng mga ope-ratiba ang bangko, nakitang bukas ang mga cabinet, at natagpuan si Rabanzo na nagtatago sa loob ng kisame at umiiyak. Aniya, kailangan niya ng pera kaya niya nagawang pasukin ang bangko kahit nag-iisa.
Sa tingin ng pulisya, bangag sa ipinagbabawal na droga si Rabanzo.
Narekober ng pulisya kay Rabanzo ang ninakaw nitong mahigit P1,000 cash, Samsung cellphone na nagkakahalaga ng P8,000, at computer monitor na nasa P5,000 ang halaga .
Nahaharap sa kasong Bank Robbery si Rabanzo.
(Dick Garay)