Advertisers
HINILING ni Senator Christopher “Bong” Go sa Executive Department na kumilos upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng baboy at manok sa pamamagitan ng pagpapatupad ng price ceiling.
Sinasabing ang pagsirit ng halaga ng baboy ay dahil sa kakapusan ng supply na dulot ng African Swine Fever (ASF) habang ang pagtaas ng halaga ng manok ay bunsod ng iligal na manipulasyon ng ilang ganid na negosyante.
“Umaapela ako sa executive department na pag-aralan ang pag-i-impose ng price ceiling sa karneng baboy at manok sa bansa upang mapigilan ang tuluy-tuloy na pagtaas nito. Marami po sa ating mga kababayan, lalo na ang mga minimum wage earners, ang hindi na ma-afford ito,” ani Go.
“Kung maaari po, ang gobyerno na po ang pumasan sa mga problemang ito, huwag lang po mapunta sa ordinaryong mamamayan ang dagdag na pasakit ng mahal na bilihin,” giit niya.
Nabatid na plano ng Department of Agriculture na dagdagan ang pork imports bilang ayuda sa local pork supply sa pamamagitan ng pagtitriple sa Minimum Access Volume (MAV) para mapanatiling stable ang halaga ng karne sa bansa.
“Kasama po sa plano at pinag-aaralan na namin ‘yung dagdagan itong minimum access volume to triple what is allowed. Ang allowed ngayon ay 54,000 metric tons isang taon,” ang sabi ni Agriculture Secretary William Darduring sa Laging Handa briefing.
Ang MAV ay tumutukoy sa volume ng espesipikong agricultural commodity, gaya ng baboy pork na pinapayagang i-import pero sa mababang tariff rate.
Suportado ni Go ang panukala ng Department of Agriculture na dagdagab ang MAV sa baboy ngunit dapat ay sa legal na proseso.
“Kailangan po nating bigyan ng pansin ang hinaing na ito ng ating consumers,” sabi ni Go.
Para maresolba ang isyu sa ASF, naglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 105 na lumikha sa National Task Force on Animal-Borne Diseases. Layon nito na magsagawa ng aktibidad para mapigil ang pagpasok ng animal-borne diseases, at kontrolin ang paglaganap nito.
Nauna rito, pinuri ni Go si Pngulong Duterte sa paglagda naman sa Executive Order No. 123 para ma-modify ang rates ng import duty sa ilang agricultural products sa ilalim ng section 1611 ng Republic Act No. 10863, kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act.
“This is most welcome and I support it. This will have a huge impact on keeping prices low by keeping the tariffs low and preventing any inflationary effect,” ani Go.
“Kailangan natin itong solusyonan, lalong-lalo na sa panahon ngayon na marami pong mga kababayan natin ang nawalan ng trabaho. Walang pambili ng pagkain ang mga ‘yan, tataas pa ang presyo, mas lalong mahihirapan ang mga kababayan natin,” idiniin ng senador.
Sinabi ni Go na ipaglalaban niya ang tatlong importanteng mga adhikain sa loob at labas ng Senado — ang pagsugpo sa gutom; ang pagkakaroon ng sapat, ligtas, at epektibong bakuna; at ang pagpapalakas ng ekonomiya at kabuhayan ng bawat Pilipino.
“Tulad nga ng sabi ng Pangulo, no one should be left behind towards recovery,” ayon sa mambabatas. (PFT Team)