Advertisers
PINALAWIG muli ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang deadline ng road clearing operations hanggang Pebrero 15.
Ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya, ito ay para sa preparasyon ng mga lokal na gobyerno para sa kani-kanilang mga vaccination program kontra COVID-19.
Kamakailan nang imando ng DILG ang mga local government units (LGUs) na bumuo ng plano para sa kanilang inoculation program.
Nilinaw ni Malaya na kasama raw dapat dito ang mga preparasyon para sa risk communication plans, maagang vaccine communication campaign, master list ng priority vaccines, pagtukoy sa mga posibleng vaccination centers, available na mga cold chain storage, at iba pang mga requirements.
“We need to give LGUs time to focus on their local vaccination plans so we are giving them more time to undertake their road-clearing operations,” dagdag ng opisyal.
Itinakda ang orihinal na deadline noong Enero 15, ngunit pinalawig hanggang Enero 22.
Saad pa ni Malaya, ang validation ng DILG sa compliance ng mga LGUs ay inusog din sa Pebrero 16 hanggang Marso 2 mula sa Enero 18.
“The deadline of the submission of all consolidated validation reports from the DILG regional offices will be one week after the end of the validation period or on March 9, 2021. We will not allow any modification in the report after submission,” anang opisyal.
Obligado aniya ang mga regional offices ng DILG na magtalaga ng isang road clearing focal person kung saan kailangang isumite ang kanilang mga pangalan sa DILG Central Office bago sumapit ang Pebrero 2.
Dapat din aniyang maisumite sa Pebrero 9 ang directory ng validation team members para sa kada probinsya, lungsod, at mga bayan. (Josephine Patricio)