Advertisers
NAGBABALA ang isang grupo na kritikal sa bansang China na posibleng gamitin ang Dito telco para tiktikan ang Pilipinas at isailalim ito sa malawakang surveillance.
Sa isang pahayag, sinabi ng Kilos Pinoy Para Sa Pagbabago (KPPP) na bagaman malaki ang maitutulong ng Dito sa ‘connectivity’ ay may mga isyung hindi dapat palagpasin at nararapat na bigyan ng pansin.
“Sa pagnanais na sirain ang monopoly at maisaayos ang wifi sa Pilipinas, pinayagan ng Kongreso na pumasok ang Dito Telco, ang 3rd player sa telekomunikasyon,” anang KPPP.
Ayon sa grupo, inaasahan na mas magiging competitive at maayos ang internet service dahil magkakaroon ng ka-kompetensiya ang kasalukuyang internet providers.
“Bago pa man maaprubahan ng Kongreso ang prangkisa nitong pangatlong telecom ay tinadtad na ito ng mga kuwestiyon tungkol sa kakayahan nitong magbigay ng maayos na internet connection at kung dummy lamang ito ng China para magsagawa ng pag-eespiya sa bansa,” pahayag pa ng grupo.
Kamakailan lang ay sinampahan ng sunod-sunod na kaso ang kompanya dahil sa iligal na pagpatayo ng cell towers sa Benguet, Malabon, at sa bayan ng Consolacion sa Cebu.
Nagpadala ng show-cause order ang National Commission on Indigenous Peoples-Cordillera Administrative Region sa kompanya dahil sa paglalatag ng fiber-optics sa lupain ng Indigenous People o IP ng walang kaukulang permit o bayad sa mga nakatira rito. Naglalatag ang kompanya ng fiber-optics kahit pending pa ang aplikasyon nito na magtayo ng tower sa Benguet.
Maging si Gwen Garcia, gobernador ng Cebu, ay pinagpapaliwanag ang Dito Telecoms ukol sa construction work na ginagawa ng kompanya sa bayan ng Consolacion.
Para sa KPPP, Hindi lamang kakulangan sa paghahanda o mga pagdududa sa kakayahan nitong makapagbigay ng maayos na serbisyo ang kinakaharap ng Dito Telecommunity.
“Pinaka nakababahala sa lahat ang mga alegasyon na ang kumpanya ay kinakasangkapan lamang ng China upang tiktikan ang bansa,” ayon sa KPPP.
Partner ng Dito Telecommunity ang China Telecom, ang state-run telecommunications company ng China, kung saan 40 % ng Dito Telecommunity ay pagmamay-ari ng China Telecom, na siya namang ikinabahala ng ilang miyembro ng gobyerno kabilang si dating Supreme Court Justice si Antonio Carpio.
Noong pinayagan ang Dito Telecommunity na magtayo ng cell towers sa mga kampo ng militar, nagbabala si Carpio na siguradong titiktikan ng China ang mga galaw ng ating militar.
Nagpahayag rin ng pangamba si Senador Risa Hontiveros tungkol sa sitwasyon at nagsabing kailangang magkaroon ng imbestigasyon ang Senado tungkol sa galaw na ito ng Dito.
Noong nakaraang taon, sumulat ang KPPP sa embahada ng Tsina upang iparating ang hindi pantay na sweldo at pribelihiyo na tinatanggap ng mga trabahador na Pinoy kumpara sa Chinese workers sa mga infrastructure projects sa Maynila.
*Para sa mga tanong, magtungo lamang po sa FB page ng KKKK at iparating ang inyong mensahe sa messenger