Advertisers
ISANG 10-anyos na estudyanteng babaen na magpapatulong sana sa modules ang ginahasa at pinatay sa liblib na lugar sa Barangay Casiongan, Calubian, Leyte.
Boluntaryo namang sumuko ang salarin na nakilalang si Jaime Edrina, 32-anyos, magsasaka at nakatira rin sa naturang barangay ilang araw matapos isagawa ang krimen.
Una rito, wala nang buhay nang matagpuan ang 10-anyos na biktimang Grade 4 student.
Ayon kay P/Cpl. Chuck Navarrete ng Calubian Municipal Police Station, bago ang insidente ay pinuntahan ng biktima ang misis ng salarin upang magpaturo sa kaniyang module. Pero nagkataon na wala roon ang misis dahil dumalo sa isang miting. Dito nagkaroon ng pagkakataon si Edrina na halayin ang dalagita sa loob ng kanilang bahay.
Matapos gahasain, dinala ni Edrina ang dalagita sa masukal na lugar at doon pinatay gamit ang bolo. At kaagad din nitong inilibing ang bangkay ng biktima.