Advertisers
Cagayan – Natunton at nahukay ng mga sundalo ang labi ng isang dating estudyante ng Cagayan State University (CSU) na umanib sa New Peoples Army (NPA) at nasawi at inilibing ng kanyang mga kasamahan sa Sitio Kapanisuwan, Barangay Bitag Grande, Baggao dito sa lalawigan.
Sa ipinarating na ulat ni Major Jekyll Julian Dulawan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division Philippine Army, nakilala ang narekober na bangkay na si Justin Bautista alyas “Ka Aira”, dating medical officer at political guide ng Northern Front Komiteng Rehiyon ng Cagayan Valley.
Isa sa mga kasamahan ni Ka Aira ang sumuko sa pamahalaan ang siyang nagturo kung saan nila inilibing si Ka Aira nang mapatay sa engkwentro laban sa tropa ng pamahalaan noong 2017 sa Brgy. San Jose, Baggao.
Nabatid na bago umanib sa makakaliwang grupo si Ka Aira ay naging miyembro ito ng Kabataan at College Editors Guild of the Philippines (CEGP).
Kumander din umano ng NPA ang ama ni Ka Aira na nakilalang si “Ka Simoy” na umiikot din sa Cagayan Valley.
Kasalukuyan inaalam ng militar kung saang campus ng CSU nag-aral si Ka Aira, kung ilang taon na ito at kung ilang taon siyang umanib sa makakaliwang grupo.
Sa ngayon, nasa regional crime laboratory office ang labi ni Ka Aira para sa karagdagang pagsisiyasat ng mga otoridad.
Nanawagan ang militar sa mga nananatiling aktibong miembro ng NPA na sumuko na sa pamahalaan dahil nakahanda naman ang gobyerno na sila’y tulungan para muling bumangon at magkaroon ng tahimik na buhay.
Samantala, sinabi ng mga dating kasamahan ni Ka Aira na marami pa silang namatay na kasamahan na inilibing sa kabundukan sa iba’t ibang parte ng Cagayan. Ito ngayon ang hinahanap ng mga sundalo para mabigyan ng maayos na libing. – REY VELASCO