Advertisers
KINUMPIRMA kahapon ng Department of Health (DOH) na 38 pang close contacts ng 13 COVID-19 cases, na infected ng UK variant ng coronavirus, ang nagpositibo na rin sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, 34 sa mga bagong pasyente ng virus ay naging close contact ng 12 UK COVID-19 variant cases na mula sa Bontoc, Mountain Province habang ang apat na iba pa ay nahawa naman sa isang COVID-19 patient na mula sa La Trinidad, Benguet.
Sinabi ni Vergeire na isang taga-Bontoc na nagnegatibo sa virus pagdating noong Disyembre 13 ang umuwi sa kanilang lalawigan noong Disyembre 14.
Pagsapit aniya ng Disyembre 25, Pasko, at Disyembre 26, ay nagkaroon sila ng ritwal na bahagi ng kanilang paniniwala at Disyembre 29 na nang makitaan siya ng sintomas ng virus.
Nabatid na 144 close contact ng pasyente ang natukoy ng DOH at 116 na sa kanila ang nasuri laban sa virus.
Paglilinaw naman ni Vergeire, bagamat mas madaling makahawa ang UK variant ng coronavirus ay hindi naman nangangahulugan na mas malala ito.
Nilinaw rin naman ni Dr. Edsel Salvana, direktor ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology sa UP National Institutes of Health, na wala pa ring ebidensiya na ang B.1.1.7 variant ay mas deadly o mas nakamamatay.
Samantala, ang COVID-19 patient naman mula sa La Trinidad, Benguet na infected rin ng UK variant ay natuklasang nakapanghawa ng virus sa apat niyang kasambahay.
Sa kasalukuyan ay limang barangay na sa Bontoc ang naka-lockdown at nasa ilalim ng istriktong quarantine dahil sa banta ng COVID-19 UK variant, kabilang dito ang Tocucan, Bontoc Ili, Caluttit, Poblacion, at Samoki. (Jonah Mallari/Andi Garcia)