Advertisers
MAY mga pangyayari na maaaring pagbatayan para ipagpaliban muna ang pagpapawalambisa sa 1989 UP-DND Accord.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, ang listahan ng mga estudyante ng University of the Philippines na diumano’y naging miyembro ng New People’s Army (NPA) at napatay sa pakikipagsagupaan sa militar ay isa sa mga pangyayaring dapat na tingnan.
“I think it is prudent now for Secretary Delfin Lorenzana to at least suspend the termination of the UP-DND accord and hold a dialogue as he already mentioned he would do,” paliwanag ni Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, sa panayam ng CNN Philippines.
Ayon sa senador, lumalabas na base sa maling impormasyon ang naging basehan ng DND para i-terminate ang kasunduan, dahil ang mga nasa listahan nila na diumano’y nahuli o napatay ay buhay at malaya pa pala.
Sa panig naman ni Lorenzana, binanggit ni Lacson na ang paghingi nito ng paumanhin ay dapat bigyan din ng kredito.
Paliwanag ng senador, sa militar, kadalasang ang tagumpay o kabiguan ng implmentasyon ng plano ay nakadepende sa desisyon na hinantungan na dapat ay batay sa mga beripikado at detalyadong impormasyon.
Isiniwalat din ng mambabatas na dahil sa naturang pangyayari, muli nilang babalikan ang mga nakuhang detalye sa ginawang imbestigasyon ng kanyang komite sa red-tagging noong nakaraang taon.
“We will have to ask the military to submit additional documents to validate reports on the personalities which they claimed during the committee hearings we conducted were killed, and if they were actually students of the universities mentioned by Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. and the other witnesses presented by the AFP,” ayon sa senador.
May mga nakikita ding batayan si Lacson para ikonsidera para i-criminalize ang red-tagging. (Mylene Alfonso)