Advertisers
SA kauna-unahang pagkakataon, isa sa mga guest sa Room 2207, ang katabing kuwarto na nirentahan ng grupo ni Christine Dacera, ang nagsalita ukol sa gabi bago ang kontrobersiyal na pagkamatay ng flight attendant.
Ikinuwento ni Jake Esteron ang mga nangyari: “Nagulat ako sa TV, John Doe 5 ako, sabi ko bumisita lang ako doon. Gusto ko lang makita ‘yung mga kaibigan ko, tapos ganyan ang nangyari.”
Kuwento pa ni Esteron, humabol siya sa City Garden Grand Hotel ilang minuto bago ang New Year’s countdown.
Sa CCTV ng hotel, nakita si Dacera at ilan sa mga kaibigan nito na nagpapalipat-lipat sa Room 2207 mula sa kanilang Room 2209.
Ayon kay Esteron, doon lang niya nakilala sa party si Dacera.
“May mga games, hephep-hooray, cards, at taguan ng pera,” aniya.
May inuman daw pero walang party drugs.
Ang natagpuan ng mga imbestigador na white granule substance sa kanilang kuwarto, hindi droga kundi asin.
“Para sa tequila yon. Dini-dip ‘yung lemon doon sa asin, ‘yun ang parang partner niya,” aniya.
Nilinaw ni Esteron na hindi siya magiging star witness sa kaso ng pagkamatay ni Dacera.
Aniya, ang kanyang pagdulog sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Lunes, January 18, ay upang makipagtulungan lamang sa imbestigasyon.