Advertisers
KINUMPIRMA ni Senator Christopher “Bong” Go na nirerebyu na ng Office of the President ang panukalang Executive Order na pipigil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng baboy at manok.
“Parati ko itong pina-follow-up din po sa ating Executive Department at inaasahan natin itong mapirmahan po ng Pangulo,” ayon kay Sen. Go.
Tiniyak ng senador sa mga stakeholders na palaging binabalanse ng pamahalaan ang interes ng consumers at traders.
“‘Yun nga po ang pinag-aaralan ngayon ng Executive (Department). Binabalanse naman po nila ang lahat… consumers, ordinaryong mamamayan and, of course, ‘yung traders din po na alam naman nating talagang apektado rin po ang kanilang pagnenegosyo,” sabi ni Go.
Ilang grupo ng hog raisers at poultry farmers ang nagpahayag ng kanilang concerns ukol sa ipatutupad na price ceilings sa baboy at manok.
“Sisiguraduhin po ng ating Pangulo na babalansehin niya po ang kapakanan po ng karamihan,” paniniyak ni Go.
Umapela si Go sa mga negosyante na huwag ititigil ang kanilang operasyon sa pagsasabing laging nariyan ang gobyerno upang sila ay tulungan.
“Kailangan natin itong solusyonan. Lalong-lalo na sa panahon ngayon na marami pong mga kababayan natin ang nawalan ng trabaho. Walang pambili ng pagkain ang mga ‘yan. Tataas pa ang presyo. Mas lalong mahihirapan ang mga kababayan natin,” ayon kay Go. (PFT Team)