Advertisers
NAGPAHAYAG ang mga opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng kahandaan na magpaturok ng COVID-19 vaccine sa harap ng publiko.
Ito’y upang mapataas anila ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa naturang bakuna na nakatakda nang dumating sa bansa sa susunod na buwan.
Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni CBCP president Archbishop Romulo Valles na tatanggapin niya ang anumang COVID-19 vaccine na iaalok sa kaniya dahil na rin sa urgency ng sitwasyong kinakaharap ng bansa sa ngayon dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“If I can wait, then I’ll wait for a good vaccine. But if the situation really like it is now, you cannot wait for a better vaccine, I would take any vaccine offered,” ayon pa kay Valles.
Tinukoy pa ni Valles ang payo ng molecular biologist at moral theologian na si Father Nicanor Austriaco, na ang bakuna, kahit pa 50% lamang ang bisa nito ay magiging beneficial o kapaki-pakinabang pa rin sa mga mamamayan dahil mapapababa nito ang panganib na maospital ang isang indibidwal dahil sa virus.
Sinabi naman ni CBCP vice president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na hinikayat ni Austriaco ang mga obispo na magpabakuna sa harap ng publiko upang mapawi ang pangamba at pagdududa ng mga mamamayan sa bakuna.
Nabatid na tinalakay ng mga obispo ang gagawing pagbabakuna ng pamahalaan sa mga mamamayan laban sa COVID-19 sa kanilang idinaos na plenary assembly kamakailan.
Una na rin namang inihayag ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang kahalagahan ng mga religious groups sa paghikayat sa mga mamamayan na magpabakuna. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)