Advertisers

Advertisers

Pandemya malalagpasan sa tulong ng Bayanihan – Bong Go

0 313

Advertisers

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na ang pagbabayanihan at pagmamalasakit sa kapwa ang pinakamabisang solusyon upang malagpasan ng mga Filipino ang pandemya.

“Kung magbabayanihan at magmamalasakit tayo sa ating kapwa, mas mabilis nating malalampasan ang pandemyang ito. Magtutulungan tayo upang mabigyan kayo muli ng maayos na kabuhayan,” ayon kay Sen. Go matapos personal na pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa Pasay City.

Sinabi ni Go na hindi nagpapabaya ang gobyerno at ginagawa nito ang lahat sa abot ng makakaya para makabangon muli at makabalik sa normal na pamumuhay.



Namahagi ang grupo ng sendor ng mga makakain, food packs, vitamins, masks at face shields sa tinatayang 1,500 TODA members sa Villamor Air Base Elementary School sa Barangay 183, Pasay City.

Ilang benepisyaryo ang nabigyan ng mga bagong sapatos, bisikleta at tablets para sa mga kabataang mag-aaral.

Hinimok ni Go ang mga nangangailangan ng medical attention na lumapit sa Malasakit Center sa Pasay City General Hospital.

Tiniyak ng mambabatas sa mga residente na kapag nakabili na ang pamahalaan ng ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19 ay uunahin ang mga mahihirap para makabalik na sa normal na pamumuhay.

“Konting tiis lang po, sumunod lang tayo sa mga patakaran ng gobyerno dahil ang kapakanan ninyo ang inuuna namin palagi,” ani Go.



Lubos naman ang pasasalamat ng Pasay TODA members, sa pangunguna ni Raul Lompero sa kabutihan sa kanila ni Senator Go.

“Noong nagka-COVID, talagang naghirap kami. Almost four months, hindi kami nakatakbo kaya maraming salamat kay Senator Bong Go. Alam namin na isa ka sa kumakalinga sa hanay ng tatlong gulong. Mabuhay kayo,” ayon kay Lompero.

“Kay Presidente [Rodrigo] Duterte, maraming salamat at hindi ninyo kami nakalimutan. Hanggang sa ngayon, patuloy kayong tumulong sa amin,” dagdag niya.

“Ako naman basta kaya ng katawan ko, pupuntahan ko kayo para makapagbigay man lang ng konting tulong sa inyong mga problema at ng konting ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati,” pahabol ng senador. (PFT Team)