Advertisers
Ayon kay Pork Producers Federation of the Philippines VP for Luzon at AGAP President Nicanor Briones, humarap ngayon ang Luzon sa food crisis na sanhi ng labis na kakulangan sa suplay at napakataas na presyo ng karneng baboy at ng iba pang agricultural products na mga suliraning resulta ng African Swine Fever (ASF), sobrang importasyon, smuggling, at pinsala ng mga nagdaang bagyo.
Mariin ding tinutulan ng mga magbababoy ang price freeze na rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) bilang solusyon sa tumaas na presyo ng bilihin.
Ayon kay ni Briones, maituturing na suicide act ang rekomendasyong ito ng DA sapagkat lalo lamang panghihinaan ng loob ang mga magbababoy, maging ang magmamanok at magsasaka na muling mag-alaga at magtanim.
Kapag ipinatupad ito, wala ng darating na baboy sa Luzon mula sa Visayas at Mindanao dahil malulugi ang mga traders at matatakot ang mga retailers na magbenta kung hindi susunod sa price ceiling, at kapag sumunod naman siguradong lugi sila.
Giit ni Briones, na dapat tanggapin na may malaking problema sa kakulangan ng pagkain, hindi lamang sa karne ng baboy, maging manok, gulay, atbp.
Panukala niya na dapat isailalim ang Luzon sa State of Calamity upang may magamit na pondo, dahil higit pa sa sampung bagyo ang tumama sa mga magbababoy na umaabot na sa P100 bilyon na lugi.
Maaari din aniyang gamitin ang humigit kumulang na P20 bilyon pesos na pondo mula sa ACEF (Agricultural Competitiveness Enhancement Fund) upang ayudahan ang magbababoy (backyard at commercial hog raisers) at magsasaka.
Maaaring ipangbayad ang pondo sa indemnification ng baboy na tinamaan ng ASF upang mapigilan ang pagkalat ng sakit (PHP 8.5B na budget para sa 10,000 pesos per head), at upang mabigyan ng food subsidy na limang daan hanggang isang libong piso para sa mahihirap na pamilya buwan buwan.
Dapat umanong solusyunan ang puno’t dulo ng problema. Tulungan ang lokal na magbababoy at magsasaka na kumita, nang kusa silang magpadami ng alaga at magtanim upang magkaroon ng sapat, mura at dekalidad na pagkain.
Hindi price freeze, hindi importasyon ang solusyon, kundi malasakit sa magsasakang Pilipino. Paniwala ni Briones na kung hindi magagawa ang lahat ng ‘yan, maaaring magpatuloy ang krisis hanggang sa susunod pang taon.