Advertisers
PATAY ang isang pulis na may kaugnayan sa teroristang grupo ng Abu Sayyaf nang pumalag sa mga operatiba ng Regional Intelligence Unit 9 sa Barangay Mampang, Zamboanga nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Police Staff Sergeant Jamiri Hawang Abraham alias Jamz/ Abz Salip Adzhar Alidjam.
Sa report, nasawi si Abraham nang manlaban sa search warrant operation para sa kasong paglabag sa RA 9156 (Illegal Possesion of Firearms and Explosives) mula kay Presiding Judge Peter Eisma ng RTC Branch 15 na nauwi sa putukan.
Ayon sa ulat, si Abraham ay tubong Patikul, Sulu at kamag-anak ng nasawing ASG leader na si Hatib Hajan Sawadjaan at pinsan nina ASG sub-leader Ben Quirino at Muammar Askali at aktibong kasapi ng PNP na nakadestino sa City Drug Enforcement Unit sa Zamboanga.
Kabilang si Abraham sa listahan ng 2019 Periodic Status Report na napag-alamang sumusuporta at sangkot sa kidnapping activities ng Abu Sayyaf Group sa Sulu.
Nakuha mula sa search operation ang tatlong baril at mga materyales sa paggawa ng IED.
Samantala, ipinag-utos na ni PNP Chief, Debold Sinas, na imbestigahan ang dating mga aktibidad ng napaslang na pulis na may kaugnayan sa Abu Sayyaf Group.
(Mark Obleada)