Gobyerno nagdo-double time para maresolba ang kagutuman, makalikha ng trabaho at buhayin ang ekonomiya
Advertisers
TINIYAK ni Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na nagdo-double time ang gobyerno para muling buhayin ang ekonomiya lalo’t iniulat ng Philippine Statistics Authority ang pagbagsak nito sa -9.5% noong 2020, ang pinakagrabe sa kasaysayan ng bansa simula 1947.
Ayon kay Go, ang buo ay hirap na hirap sa panderrmya, hindi lamang ang Pilipinas.
“Lahat po tayo, buong mundo ay apektado rito sa pandemyang ito. Maraming negosyo ang nagsara, marami pong tao ang nawalan ng trabaho. Hindi lang po ang ating bansa ang tinamaan po rito sa pandemyang ito,” ani Go.
Kaya naman sinabi ni Go na siya at si Pangulong Rodrigo Duterte ay sinisikap maresolba ang kagutuman na resulta ng economic impacts dahil sa patuloy na mga restrictions sa harap ng pandemya.
“Tayo naman po sa gobyerno, ako, bilang Committee Chair on Health at bilang patuloy ninyong magiging tulay kay Pangulong Duterte, ay sisiguraduhin natin na dapat po walang magutom. Dapat po’y bigyan ng prayoridad ng gobyerno ‘yung pagbaba [ng bilang] ng nagugutom na mga kapwa nating Pilipino,” aniya.
Sa ngayon, anang senador ay dahan-dahang binubuksan ang ekonomiya at ginagawa ng gobyerno ang lahat para maibalik ang normal na pamumuhay at maibigay pa rin sa taumbayan ang pangako ng Pangulo na mas komportableng buhay para sa bawat Pilipino.
“Ipaglalaban ko ang tatlong importanteng mga adhikain na ito sa loob at labas ng Senado — ang pagsugpo sa gutom; ang pagkakaroon ng sapat, ligtas, at epektibong bakuna; at ang pagpapalakas ng ekonomiya at kabuhayan ng bawat Pilipino,” ayon sa senador.
“Sa mga darating na araw po ay pinag-aaralan natin na sana po ay magkaroon ng Bayanihan 3. Mas matutugunan po dito ‘yung mga nagsara na mga negosyo para makatulong po sa ating mga kababayan,” ani Go.
Ipinaalala lang ni Go sa mga Filipinos na patuloy na sundin ang health protocols para makaiwas sa COVID-19.
“Huwag po muna tayo magkumpyansa dahil ang mga simpleng mga patakaran na ito ay kayang makapagligtas ng buhay ng ating kapwa. Gawin natin ito hindi lamang alang-alang sa sarili natin kundi para na rin sa ating mga mahal sa buhay. We heal as one people. We recover as one nation,” anang mambabatas. (PFT Team)