Advertisers
MATAPOS ang kontrobersyal na paglabag sa quarantine at social-distancing restrictions sa pamamagitan ng “Mañanita” noong nakaraang taon, muling nahaharap sa panibagong isyu si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Debold Sinas, kaugnay ng tina-target nitong P60-B savings fund, ilang buwan bago ang nalalapit nitong pagretiro sa Mayo.
Ang mataas at makapangyarihang posisyon ni Sinas ay makapagbibigay ng matinding impluwensya sa pamamahala ng nakalagak na pera sa savings fund ng mga unipormadong tauhan ng pulisya.
Humigit kumulang 200,000 pulis, kabilang ang National Police Commission (NAPOLCOM) at Bureau of Fire Protection (BFP), ang protektado ng naturang savings fund. Ang boluntaryo nilang paglaan ng parte ng kanilang sahod sa savings fund ang nagbibigay sa kanila ng pagkakataong mabilis na makapag-loan para sa kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkuha ng kotse, bahay, lupa, at emergency needs. Inaasahan ng bawat miyembro na makatanggap ng pension matapos ang kanilang serbisyo.
Sa loob ng maraming taon, maayos ang pagpapatakbo ng Public Safety Savings and Loan Association, Inc. (PSSLAI) sa pondo katuwang ang mga namumuno rito at walang kasapi ng pulisya ang naaargabyado sa kanilang pamamalakad.
Mainit ang mga diskusyon sa iba’t ibang Facebook groups at posts ng mga pulis na nagsasabing “pinwersa” diumano sila ng kani-kanilang mga superior na pumirma sa isang dokumento. Hawak daw ni Sinas ang dokumentong magrerepresenta sa “pagsang-ayon” ng 150,000 pulis sa kagustuhan nitong palitan ang top executives ng PSSLAI.
Kung magiging matagumpay ang paghawak ni Sinas sa liderato ng PSSLAI, malaki ang tiyansang maimpluwensyahan nito ang paraan ng pamamalakad ng pera sa insurer ng uniformed personnel.
Matatandaang marami nang kinasangkutang isyu si Sinas kabilang ang kamakailang pag-anunsyo nito na “case solved” na ang pagkamatay ng flight-attendant na si Christine Dacera, kabaliktaran ng medico legal result na nagsasabing aneurysm ang kinamatay ng dalaga.