Advertisers
HINIMOK ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na luwagan na ang proseso ng pagbili ng private sector ng COVID-19 vaccines.
Sinabi ito ni VP Leni sa gitna ng inaasahan nang pagdating ngayong buwan ng unang batch ng mga bakuna mula sa COVAX Facility.
Tatlong tripartite agreement na ang nilagdaan ng private sector, kasama ang pamahalaan at British pharmaceutical company na AstraZeneca mula noong Disyembre 2020.
Una nang nilinaw ng mga opisyal na kailangang dumaan sa national government ang mga binibiling bakuna dahil hindi pa sila itinuturing na rehistradong medical product.
Pero ayon kay Robredo, kung luluwagan ng gobyerno ang pag-aangkat ng private sector sa mga bakuna ay mas malaki ang tsansa na mabilis maabot ng bansa ang “herd immunity” sa sakit.
Bukod dito, mabibigyan din daw ng maagang vaccination ng angkop na panahon ang logistics at post-vaccination monitoring.
Sa pagdinig ng Senado noong Enero, sinabi ni Food and Drug Administration director general Eric Domingo na emergency use authorization pa lang ang ginagawad sa mga bakuna, at patuloy pa silang pinag-aaralan.
Ipinaalala naman ni VP Leni ang kahalagahan ng pagbabalik ng kumpiyansa ng publiko sa bakuna dahil sa mababa pa ring porsyente ng mga nagdaang survey. (Josephine Patricio)