Advertisers
NANAWAGAN si Bise Presidente Leni Robredo sa mga opisyal ng pamahalaan na sikaping mapabilis ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa buong populasyon ng bansa.
Pahayag ito ni Robredo matapos sabihin ng Department of Health (DOH) na posibleng abutin pa ng 2023 bago maturukan ng bakuna ang lahat ng Pilipino.
“Dapat ‘yong goal natin better than 2023. Nakakapag-alala ‘yon kasi as of now, ang daming naghihirap na mga Pilipino, ang dami nang nawalan ng trabaho, so dapat ‘yong goal natin the faster na mabakunahan ang mas maraming tao,” ani Robredo.
“Dapat gan’on. Para mas mabilis na makaka-recover ‘yong economy natin. So dapat pagtulung-tulungan talaga natin.”
Naunang sinabi ni Department of Health Usec. Maria Rosario Vergeire na plano ng pamahalaan na mabakunahan ang target na populasyon pagdating ng 2023.
Ayon sa bise presidente, handa siyang magpaturok ng bakuna para mahikayat ang mga Pilipinong tumanggap ng COVID-19 vaccine.
Ito ay kahit mayroong itinakdang priority list ang gobyerno para sa mga unang matuturukan ng bakuna.
“Mayroong inilabas na ‘yong IATF na parang prioritization. Susundin natin ‘yon. Ang priority natin, healthcare professionals at elderly.”
“Pero kung kinakailangan na magpabakuna tayo una, in public, para ma-encourage ‘yong tao magpabakuna gagawin natin ‘yon. (Josephine Patricio)