Advertisers
INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking malinis ang listahan ng mga makakatanggap ng COVID-19 vaccines sa komunidad.
Apela ito ng ahensya sa gitna ng inaasahan nang pagsisimula ng rollout sa bakuna ngayong buwan.
Ayon kay Jonathan Malaya, may mga natatanggap silang ulat tungkol sa pangamba na baka mauwi sa naging aberya ng Social Amelioration Program (SAP) ang pagtuturok ng bakuna.
“Iba naman kasi itong vaccination dahil meron itong pre-registration, may appointment system ito. And then bago ka bakunahan, dadaan ka sa parang clearance, parang screening,” sinabi ni Malaya.
Paliwanag ng DILG official, magiging mandato ng barangay health workers ang pag-screen sa lahat ng submission para masigurong pasok sa kwalipikasyon at priority list ang mga mababakunahan.
Matapos nito ay ipapadala sa city health office ang listahan para sa panibagong validation.
Sa ilalim ng priority list ng gobyerno, mga healthcare workers ang unang dapat mabakunahan. Sumunod ang senior citizens, mahihirap, at uniformed personnel.