Advertisers
KAKAILANGANIN ng Department of Health (DOH) ang inisyal na 50,000 vaccinators para sa unang mga priority groups na babakunahan sa vaccination program ng gobyerno.
“Nakikita natin kakailanganin po natin ng roughly around 50,000 vaccinators para po dito sa ating isasagawang deployment program for the priority population,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sa priority list, kabilang dito ang mga frontline workers na nasa healthcare facilities, kasunod ang mga senior citizens at mga ‘person with comorbidities’. Sila ang target ng pamahalaan na mauna na mabakunahan.
Aminado naman si Vergeire na nasa 4,000 tao pa lamang ang naisailalim nila sa ‘vaccinator training’ at sila rin ang magsisilbing trainors ng iba pang mapipiling mga vaccinator sa isasagawang training sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa pagsasanay ng mga vaccinator, nakapaloob ang ‘preparatory stages’ ng bakuna, aktuwal na pagbabakuna at monitoring sa nabakunahan upang mabatid kung wala o may reaksyon ang bakuna sa katawan.
Ang gobyerno ay nakatakdang makatanggap ng tinatayang 10 milyong dose ng Covid-19 vaccine mula sa COVAX facility kabilang ang 117,000 doses mula sa Pfizer. (Jocelyn Domenden)