Advertisers
IBABAYAD ng Department of Health (DOH) ang kanilang savings para makabili ng Sinovac COVID-19 vaccines mula sa China.
Ito ang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa Laging Handa briefing kahapon.
Ayon kay Duque, aangkat sila ng Sinovac at 50,000 doses muna nito ang kanilang babayaran gamit ang kanilang savings.
“Ang paggagamitan po nu’ng [savings], sa Sinovac na aangkatin natin. Kaunti lang [muna] ito, 50,000 doses muna ang babayaran,” ayon kay Duque.
Ito ay dagdag sa 600,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccine na donasyon ng Chinese government sa Pilipinas.
Kaugnay nito, matapos namang ianunsiyo ni Duque na bibili ng Sinovac vaccine, inihayag na rin ng Food and Drug Administration (FDA) na inisyuhan na nila ang Sinovac ng emergency use authorization (EUA).
Sinabi ni FDA Director General Eric Domingo, ang efficacy rate ng Sinovac ay nasa mula 65.3% hanggang 91.2% sa mga malulusog na tao na nagkakaedad ng 18 – 59-anyos.
Sa kabila nito, nilinaw ni Domingo na hindi inirerekomendang magamit ng mga senior citizens at healthcare workers ang Chinese-made vaccine.
“It has a lower efficacy rate of 50.4% when used in healthcare workers exposed to COVID-19. Therefore it is not recommended for use in this group.”
Ang IP Biotech Incorporated ang inatasan na maging supplier ng Sinovac vaccine sa ilalim ng EUA. (Andi Garcia/Jonah Mallari)