Advertisers
NAKAPAGTALA ng mahigit sa tatlong libong bagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH) nitong Biyernes, Marso 5.
Sa case update ng DOH, umabot sa 3,045 ang bagong kaso, na pinakamataas na bilang ng bagong naitalang kaso mula sa nakalipas na limang buwan.
Dahil dito, umakyat na sa kabuuang 587,704 ang kaso ng tinatamaan ng nakamamatay na sakit sa bansa.
Samantala ay mayroon namang naitalang 178 na gumaling at 19 na pumanaw.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 6.8% (40,074) ang aktibong kaso, 91.1% (535,207) na ang gumaling, at 2.11% (12,423) ang namatay.
Paalala ng DOH na sa kabila ng paghahatid ng dagdag na proteksyon ng mga bakuna sa bansa, lagi pa ring ugaliin na sumunod sa mahigpit na minimum public health standards at health protocol upang maiwasan ang anumang variant at mutation ng sakit.
(Andi Garcia/Jocelyn Domenden)