Advertisers
LIGTAS na at nasa pangangalaga ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Saudi ang overseas Filipino worker sa nag-viral na video ng pananakit ng amo nito kamakailan.
“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng nag-share ng video ko at nagdasal sa akin na maligtas ako mula employer ko. Kahit paano may nagmamahal pa pala sa akin,” pahayag ni Ara (hindi tunay na pangalan).
Sa report, hindi raw makakalimutan ng nasabing OFW ang pananakit ng kanyang amo at mabuti nalang nagawa niyang mai-record sa mobile phone na kanyang inilagay sa isang cabinet kungsaan kitang-kita ang pananakit sa kanya.
Paliwanag ng biktima, kasalukuyan siyang nagluluto noong gabi ng Sabado nang simulan siyang hampasin ng walis at kamay ng among lalaki.
Agad in-upload ni Ara sa social media ang video pagkauwi nila sa bahay ng nanay ng kanyang amo.
Ayon kay Ara, nakarating agad sa kaalaman ng kanyang among babae ang nag-viral na video, at kinumpronta siya nito.
Kuwento pa ni Ara, inilabas ng kanyang among babae ang isang plantsa parang gagamitin sa kanya. Kaya nang utusang itong magtapon ng basura sa labas tinakasan na niya ang kanyang amo. At sa isang restaurant may dalawang Arabo na nahingan niya ng tulong na tumawag ng pulis para mailigtas siya.
Sa report, nakakulong na ang among lalaki ni Ara habang nagmamakaawa naman ang among babae at nag-offer ng halaga para maiurong ang kanyang kaso.
Sinabi ni Labor Attache Hector Cruz ng POLO-Alkhobar na papanagutin nila ang amo ni Ara sa ginawang pananakit.