Advertisers
SINABI ng Department of Health (DOH) na mahigit na sa 193,000 health workers sa bansa ang nabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hanggang nitong Marso 13 lamang ay kabuuang 193,492 health workers na ang naturukan ng COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Duque na ito’y 34% ng 1,125,600 doses ng bakuna na dumating na sa bansa.
Iniulat rin ng DOH na ang 90% ng mga naturang stocks ng bakuna ay naipamahagi na sa mga vaccination sites.
Kaugnay nito, pinuri naman ni Duque ang National Capital Region (NCR) matapos na makaabot ng mataas na COVID-19 vaccination coverage na umabot na aniya sa 70%.
“Let me tell you that NCR has performed quite well, they’re now [at] 70% for the first dose of inoculation,” ani Duque, sa isang briefing sa paglulunsad ng suporta ng European Union sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Matatandaang ang mga health workers ang prayoridad ng pamahalaan na mabigyan ng bakuna laban sa COVID-19 dahil sila ang direktang nae-exposed sa naturang karamdaman dahil na rin sa kanilang trabaho.
Kaugnay nito, batay naman datos ng DOH, hanggang nitong Marso 13 rin ay umaabot na sa 15,188 health workers sa bansa ang dinapuan ng COVID-19.
Sa naturang bilang, 14,762 ang nakarekober na habang 82 ang sinawimpalad na bawian ng buhay.
Bukod sa health workers, prayoridad din ng pamahalaan na mabigyan ng bakuna ang mga senior citizens, persons with comorbidities at mga uniformed personnel. (Andi Garcia)