Advertisers
WALANG nakikitang masama ang ilang kasapi ng Partido Demokratiko Pilipino- Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa ginagawang pag-iikot ng partido sa iba’t ibang lugar sa bansa upang alamin ang tunay na nangyayari sa buong kapuluan lalo ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang tahasang sinabi ni PDP-Laban at House Deputy Speaker Eric Martinez ng Valenzuela City, kasabay ang pahayag na wala siyang nakikitang mali sa ginagawa ng partido na “pulsuhan” ang publiko hinggil sa mga ginagawa ng gobyerno, sa mga programa at proyekto nito, lalo na sa kampanya kontra COVID-19.
Aniya pa, sa kanilang ginagawa, lumabas din na “kuntento” ang mga miyembro ng PDP-Laban sa ginagawa ng pamahalaang nasyonal lalo na sa usapin ng paglaban sa krimen at pagresponde nito sa pandemya na COVID-19.
Lumabas din sa kanilang mga konsultasyon, kung saan naimbitahan din si Martinez, na gusto ng kanilang kasapian na ipagpatuloy ng administrasyong Duterte ang pagseserbisyo nito sa tao, dahilan upang ang karamihan sa kanilang ‘local chapters’ ay maglabas ng resolusyon na humihikayat kay Pang. Duterte na tumakbo bilang bise presidente ng bansa.
Ang paglilinaw ni Martinez ay matapos ipahayag ni Sen. Manny Pacquiao, bilang ‘acting president’ ng PDP-Laban, na bumabatikos sa umano’y “maagang pamumulitika” ng kanyang mga kasamahan sa partido.
Sa isinagawa namang ‘press conference’ ni Pacquiao kamakailan, partikular nitong binatikos si Department of Energy (DOE) Secretary, Alfonso Cusi, hinggil sa maagang pamumulitika, sa halip na tumulong sa taumbayan ngayong panahon ng pandemya.
“Bilang acting president ng partido, karapatan ko na aksyunan ano man ang ginagawa ng lahat ng miyembro ng partido…
“…Karapatan ko na ituwid kung ano man ang mali; mali na as early as this na pulitika na agad ang pinag-uusapan natin,” ani Pacquiao. Dapat umanong asikasuhin na muna ng partido ang “pagtulong” sa tao dahil “maraming naghihirap ngayon.”
Ang tinuran ng 8-division boxing champion ay nagpataas ng kilay ng ibang kasapi ng partido.
Anila, “labis” ang kanilang “pagtataka” kung bakit tila “tutol” si Pacquiao sa resolusyong humihimok sa Pangulo na tumakbong bise-presidente na itinutulak din ni Cusi bilang ‘party vice chairman.’
Hinamon ng mga miyembro ng PDP-Laban si Pacquiao at mga kasama nitong hindi naging masaya sa ginawang resolusyon na maging ‘honest’ kung ano ba talaga ang kanyang plano sa 2022 election.
“Parang may naaamoy kaming kakaiba sa kanyang motibo kaya’t siguro maging tapat na lamang siya sa kanyang plano at saka namin ito pag-usapan ng partido,” anila pa.