Advertisers
NILINAW ni Philippine National Police (PNP) Acting Director Gen. Guillermo Eleazar na mayroong 20 quarantine controlled points na ikinalat sa mga boundaries ng National Capital Region (NCR) bubble.
Paglilinaw ni Eleazar, ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal ay tinatawag na NCR Plus, alinsunod sa Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases Resolution No. 104.
“Within the bubble, the movement is not restricted, ang mga taga Metro Manila ay pwedeng pumunta sa Cavite, Bulacan o Rizal, basta within the bubble lang,” ani Eleazar.
Hindi na umano maglalagay ng checkpoints “within the NCR Bubble” at sa mga boundaries na lang ikinalat ang mga checkpoints upang matiyak na walang maglabas masok sa mga lugar na kabilang sa NCR plus.
Dagdag pa ni Eleazar, ang mga pulis na nasa bubble area ay maninita lang kung nasusunod ang minimum health standards habang ang nga pulis na ikinalat sa quarantine controlled points ay mahigipit na maninita sa mga non-APOR individuals.
Tanging mga Authorized Person Outside of Residence (APOR) lang ang papayagan na makalabas masok sa NCR Bubble.
Nitong Linggo ay inianunsyo ng Malacañang na isasama sa mas striktong General Community quarantine (GCQ) ang NCR at apat pang karatig na probinsya mula Marso 22 hanggang Abril 4 upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19. (Jonah Mallari/Vanz Fernandez/ Josephine Patricio)
DILG sa PNP: ‘Mass gatherings’ higpitan
DAHIL sa pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 inutusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP), local government units (LGUs), at mga barangays na istriktong ipatupad ang ban o pagbabawal sa anumang uri ng mass gatherings sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna o ‘NCR Plus’, mula Marso 22 hanggang Abril 4, 2021.
Kaugnay nito, inatasan rin ni DILG Officer-In-Charge at Undersecretary Bernardo C. Florece Jr. ang PNP na magsagawa ng border checkpoints sa mga nasabing lugar upang maiwasan ang paglabas at pagpasok ng mga non-essential workers at magpatupad ng uniform curfew hours na mula 10:00PM hanggang 5:00AM, alinsunod na rin sa kautusan ng pangulo.
Ayon sa opisyal ang mga naturang lugar ay matatandaang isinailalim na rin ng pamahalaan sa GCQ simula Marso 22 hanggang Abril 4, batay sa Resolution 104 ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
Sa ilalim ng resolusyon, ang lahat ng uri ng mass gatherings, kabilang na ang religious gatherings, ay mahigpit na ipinagbabawal, gayundin ay dini-discourage ang face-to-face meetings. Ang mga kasal, binyag at libing ay maaari namang isagawa ngunit limitado lamang sa 10-katao.
Sinabi pa nito na dapat ring i-monitor ng Barangay Health Emergency Response Teams ang pagtalima sa prohibisyon ng mga tahanan sa kanilang nasasakupan.
Samantala dapat rin naman aniyang tiyakin ng mga LGUs na ang dine-in restaurants, cafes, at mga establisimyento ay limitado rin sa delivery, take-out, at outdoor o alfresco dining lamang.
Sa ilalim ng alfresco o outdoor dine-in, pinapayagan ang 50% ng capacity ng venue ngunit dapat na may nakalagay na acrylic o kahalintulad na divider at may maximum na dalawang katao lamang kada mesa at dapat ring sila ay one seat apart. (Boy Celario)
UK/South Africa covid variant kalat na sa NCR
KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na kalat na sa lahat ng siyudad sa Metro Manila ang dalawang Covid variants.
Ayon kay DOH Spokesman Ma. Rosario Vergeire, lahat ng siyudad sa Metro Manila ay napasok na ng UK at South Africa covid variants.
“In all of the cities, we have either the UK variant or the South Africa variant. Also in other cities, they have both UK variant and South Africa variant,” ani Vergeire.
Ang pagkalat ng covid variants ang isa sa mga dahilan ng mabilis na pagtaas ng covid cases.
Samantala, sa Philippine General Hospital (PGH) ay lumilitaw na 80% ng mga covid patients ay apektado ng covid variants. (Jonah Mallari/Andi Garcia/Jocelyn Domenden)