Advertisers
NAGBIGAY ng babala si anti-red tape czar sa lahat ng government officials na hintuan na ang paglalagay ng kanilang mukha at pangalan sa government documents ngayon nalalapit na ang panahon ng halalan.
Ito ang matinding babala ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Jeremiah Belgica sa lahat ng opisyal ng pamahalaan makaraang ulanin ng reklamo kaugnay ng ilang public servants na inimprenta ang kanilang mga pangalan at mukha sa mga public documents tulad ng permits at lisensya.
Ayon kay Belgica, matagal ng sinasamantala ng mga pulitiko ang ang ganitong uri ng sistema kung saan ang pinuno ng ahensya o lokal na pamahalaan ay inilalagay ang pangalan at mukha sa mga dokumento bilang paraan ng hindi direktang advertising at palabasin na may utang na loob ang taumbayan sa kanya.
“These pictures of politicians on permits and licenses affect the cost of printing that the applicants are shouldering,” sabi ni Belgica.
Iginiit ni Belgica na ipinagbabawal ito ng batas gaya ng sinasaad ng Anti-Epal provision or General Provision No. 82 of the adopted 2021 National Budget.
Sa ilalim ng Anti-Epal provision, sinumang government officials, maging siya elected o appointed ay pinagbabawalang magsagawa ng self-promotion sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang pangalan at mukha sa mga programa, proyekto at anumang hakbangin na pinopondohan ng gobyerno sa pamamagitan ng General Appropriations Act.
“With the election season nearing, mahigpit po nating pinaaalahanan ang ating kapwa kawani ng gobyerno, na tigilan na ang paglalagay ng mukha at pangalan nila sa mga government funded projects including documents and issuances. Tayo po ay pinapasweldo ng taumbayan, hindi po nila utang na loob sa atin ang de kalidad na serbisyo publiko. Don’t self-promote”, dagdag pa ni Belgica.
Ang ARTA ay may mandato na bantayan ang pagsunod ng mga ahensya ng pamahalaan sa R.A. 11032 o kilala sa tawag na Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, na kinabibilangan ng pagbabantay sa Citizen’s Charters ng ahensya at iba pang government collaterals tulad permits, licenses, at iba pang inilalabas na dokumento.
Palagian ding nagsasagawa ang ARTA ng surprise inspections sa mga government agencies upang tiyakin na ang kanilang ipinagkakaloob na serbisyo ay naaayon sa batas.
Dahil dito ay hinihikayat ni ARTA czar ang publiko na kunan ng litrato o video ang hindi magandang serbisyo ng alinmang ahensya ng gobyerno na lumalabag sa batas at sa charter ng ahensya. Maaari ding gamitin ang #iARTAnaYan o magpadala ng email sa complaints@arta.gov.ph upang makapagsumbong sa ARTA. (ANDI GARCIA)