Advertisers
DUMATING na sa bansa ang 400k doses ng Sinovac vaccines na donasyon ng China lulan ng Boeing 777 ng Philippine Airlines (PAL) mula Beijing nitong 7:16 Miyerkules ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Ito na ang ikalawang batch ng donations mula sa Beijing, kasunod ng unang 600,000 doses na kanilang ibinigay sa Pilipinas noong Pebrero 28, na bahagi ng kanilang ipinangakong libreng 1 million doses ng bakuna.
Kaagad namang idiniretso sa mga storage facilities ng Department of Health ang mga dumating na bakuna mula China.
Sa ngayon, mayroon nang higit 1.5 million doses ng COVID-19 vaccines ang Pilipinas, kasama na ang dumating na 400,000 doses ng Sinovac vaccines at ang naunang 525,600 doses na AstraZeneca vaccines mula sa Covax Facility.
Kamakalawa, sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na darating na rin sa Pilipinas sa Marso 29 ang 1 million doses ng Sinovac vaccine na binili naman ng pamahalaan gamit ang sariling pera nito.
Bukod dito, mayroon pang paparating na mga 979,200 doses mula naman sa COVAX facility mula Marso 24 hanggang 26.
Sinabi ni Galvez na aabot sa 140 million doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahan nilang darating sa Pilipinas ngayong taon, hindi pa kasama ang alokasyon mula sa COVAX Facility.
Ito ay matapos na malagdaan na rin ang supply agreements mula sa Sinovac, AstraZeneva, Moderna at Novovax. (Josephine Patricio)