Advertisers
NANINDIGAN si Senador Christopher “Bong” Go na dapat talagang unahin ang mga healthcare workers kontra sa COVID-19.
Sinabi ni Go na dapat armasan ang mga frontliners sa pagtugon ng COVID-19 sa pamamagitan ng pag-prioritize sa kanila sa pagbabakuna.
Ipinaliwanag ni Go na ang mga healthcare workers ang isinasabak sa giyera kontra pandemya kaya dapat ay maging protektado sila.
“Marami akong balitang nakukuha na pati non-frontliners ay nabakunahan na. Hindi po ito katanggap-tanggap. Pagkatapos mabakunahan ang ating frontliners, isusunod na natin agad ang mga senior citizens dahil sila ang isa sa mga vulnerable sa sakit na ito at kinakailangan din nilang lumabas ng bahay. Pagkatapos nila ang mga essential workers naman at mga mahihirap,” wika ni Go.
“Pero paano natin matatapos bakunahan ang mga frontliners kung may mga sumisingit sa priority list? Huwag nating unahan ang health workers sa bakuna dahil ang pagbabakuna sa kanila ang tanging paraan upang masigurong hindi bumagsak ang ating health care system. Huwag tayong mag-overtake, lalo na sa mga nangangailangan talaga,” giit ni Go.
Binigyang-diin ng senador na hindi biro ang hinaharap na laban ng mga healthcare workers kaya dapat munang unahin ang 1.7 million healthcare workers ng bansa.
Kaugnay nito, nanawagan si Go sa sambayanan na sumunod sa protocol at hintayin ang panahon na sila naman ang babakunahan.
Ang mahalaga aniya ay tinitiyak ng pamahalaan na lahat ay mabibigyan ng bakuna basta habaan pa ang pasensiya dahil ginagawa ng gobyerno ang lahat para matugunan ang pandemya. (Mylene Alfonso)