Advertisers
NAGBANTA si Manila Mayor Isko Moreno na himas rehas ang aabutin ng sinumang may kaugnayan sa pamemeke ng COVID-19 tests results at walang sacred cow o sasantuhin ang pamahalaan ng kabisera ng bansa lalo’t kalusugan at buhay ng mga mamamayan ang nakasalalay dito.
“Kayong mga me ari ng negosyong ‘yan, humanda kayo…this warning is applicable to everybody…walang amba-ambassador, walang super power super power sa ‘kin. Pasensiyahan tayo pagdating sa buhay ng taga-Maynila. We will follow the law and throw the books at you,” ayon sa galit na si Moreno na nagpahiwatig din na mga dayuhan ang nasa likod ng iligal na gawain.
Ang matinding babala ay ginawa ni Moreno makaraang ipag-utos niya sa special mayor’s reaction team (SMART) sa pamumuno ni Lt. Col. Jhun Ibay na imbestigahan ang naiulat na bentahan ng pekeng COVID-19 results base sa hindi awtorisadong swab testing.
Ang direktiba ng alkalde ay makaraang makatanggap ng impormasyon na may mga naka-address na barangay sa pekeng COVID results na naging dahilan ng pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID sa nasabing lugar, dahilam upang ito ay i-lockdown.
Matatandaan na naglabas si Moreno ng executive order na nagbibigay kapangyarihan sa mga barangay chairman na papaigtingin pa ang ang pagbabantay sa mga estranghero na pumapasok sa kanilang barangay at ireport sa awtoridad ang mga ilegal na gawain ng mga ito kabilang na ang hindi swab testing, para sa agarang aksyon at upang mai-lockdown ang lugar kung kinakailangan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID.
“Ginagamit ang inyong barangay address..may mga nagpapa-test tapos barangay nyo ang gamit, di pala nakatira doon. Itong talipandas na tester, walang due diligence basta importante kumita sila so barangay mo ngayon, me 20 or 30 cases pero di nakatira doon. Di ba kalokohan yun?,” ayon kay Moreno.
Idinagdag pa ng alkalde sa kanyang bilin sa mga barangay officials: “Bantayan n’yo ito… dudang-duda ako.. ang daming infection sa Ermita eh wala namang nakatira dun pogo-pogo lang. Buti na magkalinawan tayo, bantayan nyo ang Malate.”
Labis ang kalungkutan ni Moreno dahil ang masaklap pa aniya ay mismong mga Pilipino ang nakikipagsabwatan sa mga iligal na gawaing ito, kung kaya naman binigyang diin ng alkalde na mananagot sila sa batas at hindi nila matatakasan ito.
“Ang masakit, kasapakat kapwa Pilipino. Kayo naman, sa dalawang bulig (2,000 pesos) na lagay eh nilalagay ninyo sa alanganin ang pamilya niyo. Biro niyo, positive tapos pipirma kayo negative. Kahit makalusot kayo nang makalusot, darating ang oras makakalawit din kayo,” sabi nito.
Sa pamamagitan ng pakikipagugnayan at pakikipagsabwatan sa pamemeke ng dokumento na naglalagay sa publiko sa peligro, ay nagbanta si Moreno na maging mga kawani ng City Hall ay mahaharap sa kasong krimen.
Sumumpa ang alkalde na hihimas ng rehas ang mga tao sa likod ng operasyon ng pamemeke ng COVID results at binigyang diin din niya na ayaw niyang magkamali sa ginawa niyang desisyon na i-lockdown ang isang lugar base sa maling detalye.
“Kayo diyan sa Malate, palalayasin ko kayo. Welcome kayo sa Maynila kayong mga banyaga diyan na nakatira at naghahanapbuhay o may negosyo at nagbibigay ng trabaho, thank you very much. No harm will come to you but no abuse will be allowed. Sinasabi ko sa inyo ipatitikim ko sa inyo ang hirap ng kulungan. We will go after you!,” galit na paalala ni Moreno. (ANDI GARCIA)