Advertisers
NAGBABALA ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga Barangay Chairmen kung sila ay magpapabaya sa kanilang nasasakupan ngayong muling ipatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR plus bubble.
Sinabi ni DILG for Barangay Affairs Usec. Martin Diño sa media forum ng Balitaan sa Maynila, hindi na maaring sawayin lang ang mga lalabag ngayong ECQ.
Aniya, hindi man madala sa presinto ang mga pasaway na residente dahil kailangang ipatupad ang social distancing ay maari naman aniya silang magbigay ng mga subpoena saka paghahain ng aksyon o kaso sa korte.
Ayon kay Diño, kapag natapos ang pandemya ay may kakaharapin silang kaso sa korte.
Kapag nagpabaya aniya ang mga tserman ay kakasuhan niya ito sa ilalim ng Bayanihan 2.
Panawagan ni Diño sa mga tserman, huwag pabayaan ang kani-kanilang mga lugar dahil sila ay mananagot at makakasuhan sa ilalim ng Bayanihan 2.
Giit nito, huwag nang dagdagan ang mga tserman na sinuspindi ng DILG dahil hindi ito mangingiming maghain ng kaso laban sa kanila dahil sa kanilang pagpapabaya.
“Habang hindi niyo hinihigpitan yan diyan sa barangay niyo baka buong barangay niyo maghawa-hawa na kayo,” pahayag pa ni Diño.
Samantala, required pa rin aniya ang pagpapatupad ng quarantine pass sa mga barangay kung saan limitado ang maaring lumabas. (Jocelyn Domenden)