Advertisers
KAHIT walang naitalang volcanic earthquake sa paligid ng bulkang Taal patuloy na nakataas sa alert level 2 ang bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) isang mahinang pagsingaw na may taas na limangpung (50) metro mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa main crater ng bulkan.
Ayon pa sa Phivolcs na sa kasalukuyan nakataas sa alert level 2 ang bulkang Taal at pinaaalalahanan ang madla dahil sa paulit-ulit na pagputok, volcanic earthquake ng bulkan.
Idinagdag pa ng Phivolcs na bukod sa paulit-ulit na pagputok ng bulkan naitala rin ang bahagyang pagbuga ng abo at mapanganib na pagbuga ng volcanic gas na maaaring manalasa sa paligid ng Taal volcano island o TVI.
Iminumungkahi rin ng ahensya na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure, at ang paninirahan at pamamangka sa lawa ng Taal dahil mapanganib.
Pinaalalahanan din ng Phivolcs ang local na pamahalaan na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalburoto ang bulkan.
Ang bulkang Taal ay itinuturing na aktibong bulkan dahil sa mga nakalipas na pag-aalboroto nito. (Boy Celario)