Advertisers
UMAAPELA ang employees’ union ng Philippine Orthopedic Center (POC) sa Department of Health (DOH) na magsagawa ng mass testing sa kanilang pagamutan matapos na mahigit sa 100 staff nito ang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay POC employees’ union head, Sean Herbert Velchez, isang nurse, kung kakayanin aniya ay mas maganda kung makagpasasagawa ng mass testing hindi lamang sa mga health workers ng pagamutan kundi maging sa mga pasyente nito.
“Ang aming panawagan, kung kakayanin po ay bahagi no’ng mass testing na ilunsad, hindi lamang sa mga health workers kundi sa aming mga pasyente,” ani Velchez, sa panayam sa telebisyon.
Nagpahayag ng pangamba si Velchez na mahawa rin ng COVID-19 ang mga orthopedic patients dahil kinakailangan nilang manatili ng mula dalawang linggo hanggang isang buwan sa pagamutan.
May mga pasyente rin aniya sila na hindi kayang magbayad ng RT-PCR test kaya’t hindi makapagpa-swab test ang mga ito.
Nauna rito, kamakailan ay sinuspinde muna ng POC ang kanilang outpatient services, gayundin ang kanilang elective surgeries, matapos na dapuan ng COVID-19 ang may 117 nilang empleyado.
Karamihan naman umano sa mga ito ay asymptomatic at nakikitaan lamang ng mild symptoms ng sakit ngunit kinakailangan nilang mag-quarantine bago makapagtrabahong muli.
Mayroon rin umanong dalawang pasyente ang kasalukuyang ginagamot sa hospital facility matapos na makitaan ng malalang sintomas ng virus.
“Unfortunately, ‘yong mga active cases ngayon ay ‘yong stratification niya ay wide-ranging din. Mula mga specialists, mga resident doctors and surgeons hanggang sa mga office staff at allied health professionals. So, talagang stretched ang staffing at the moment pero kinakaya pa naman,” ani Velchez.
Hanggang nitong Sabado, mayroon pa anilang 216 pasyente ang naka-confine sa POC habang mayroon ring 12 COVID-19 patients na inaalagaan doon.
Sa kabilang dako, idinaing na rin ni Velchez na may mga health workers sila na hindi mabibigyan ng ilang benepisyo kahit pa nasa frontlines sila ng laban sa pandemya.
Tinukoy pa niya ang mga kasamahan na naka-quarantine ng dalawang linggo na hindi makakakuha ng hazard pay, na 20% ng kanilang suweldo.
Aniya, sa ilalim kasi ng rule mula sa Department of Budget and Management (DBM), ang isang government health worker ay hindi makakatanggap ng hazard pay kung hindi ito magre-report sa trabaho sa loob ng 11 araw sa isang buwan.
Umapela rin naman si Velchez sa publiko na itigil na ang diskriminasyon sa mga health workers, na ang ilan ay tinatanggihan umanong isakay ng mga pampublikong sasakyan, sa kanilang pag-uwi at pagpasok sa trabaho. (Jonah Mallari/Andi Garcia)