Advertisers
PINABULAANAN ng Manila Electric Co. (Meralco) na maaaring magdulot sa bill shock ang pagpapasailalim sa enhanced community quarantine ng Metro Manila at karatig na mga probinsya.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, vice president and tagapagsalita ng Meralco, taliwas sa pahayag ng Bayan Muna, makakasiguro po ang aming mga kostumer na wala pong bill shock ngayong buwan kahit na nasa ilalim ng ECQ ang Metro Manila hanggang sa ika-11 ng Abril.
Nagbigay ng kautusan ang Energy Regulatory Commission sa mga distribution utilities at electric cooperatives na siguruhing makakapagbasa sila ng metro na batayan sa bills ng mga konsyumer. Nakiusap din sila sa lokal na pamahalaan na payagan a mga meter reader na makapagbasa ng metro.
Alinsunod sa kautusan ng ERC, sinabi naman ng tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga na ang mga meter readers ay patuloy sa kanilang tungkulin na mabasa at makuha ang tamang konsumo ng koryente ng kanilang mga kostumer.
Nauna nang inihayag din ng Meralco na hindi sila magpuputol ng koryente hanggang sa ika-15 ng Abril bilang tulong sa mga kostumer ngayong panahon ng krisis.
“Makasisiguro ang aming mga kostumers na ang aming operasyon, kabilang ang pagbabasa ng metro ay magpapatuloy sa kabila ng mahigpit na community quarantine na ipinapatupad sa Metro Manila. Ang mga tanggapan ay mananatiling bukas para sa aming mga kostumer na nais sumangguni sa amin,” dagdag ni Zaldarriaga.
Matatandaan na magkasunod na bumaba ang rates ng Meralco noong nagdaang dalawang buwan. Ito ay umabot sa Php0.4302 per kWh o Php86.04 para sa kostumer na kumokonsumo ng 200-kWh.