Advertisers
SUMAMPA na sa 876,225 ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa bansa matapos madagdagan pa ng 11,378 na bagong mga kaso nitong Lunes, Abril 12 sa kabila ito ng ipinatupad na 2-linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Nadagdagan din ng 267 na bagong recoveries kaya’t umabot na sa bilang na 703,625 ang mga gumagaling sa nakamamatay na sakit.
Nasa 204 naman ang naitalang bilang ng bagong pumanaw dahilan para maging 15,149 na ang mga namamatay sa COVID-19.
Nanatili namang mataas ang bilang ng aktibong mga kaso na nasa kabuuang 157,451 kung saan ang mild cases ay nasa 97.0% habang ang asymptomatic ay nasa 1.7%.
Sa nagdaang dalawang linggo na pagpapatupad ng enhanced community quarantine o ECQ, halos wala namang pinagbago sa bilang ng mga kaso na nanatiling mataas at patuloy ang pagsirit.
Nitong Lunes, Abril 12 ibinaba sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR at iba pang lugar sa kabila na patuloy ang pagsirit ng bilang ng mga kaso gn COVID-19.
Sa kabila nito, patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na makipagtulungan, makiisa at sumunod sa mga patakaran tulad ng simpleng pagsunod sa minimum public helath standards upang hindi na kumalat pa ang virus sa bansa. (Jocelyn Domenden/Andi Garcia)