Advertisers
TINIYAK ni House Committee on Appropriations chairman Eric Yap na aaprubahan ng kanilang komite ang Bayanihan 3.
Kasabay ito ng naging pahayag ni House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda na posibleng ngayon o sa susunod na linggo ay pagtitibayin na sa joint hearing ng House Committee on Appropriations at House Committee on Economic Affairs ang panukalang Bayanihan 3 Law.
Ayon kay Yap, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para maaprubahan na ang Bayanihan 3 Bill.
Aniya, kailangang-kailangan ng mga Pilipino ang ayuda, lalo na para sa mga lubos na naapektuhan ng pandemya.
Samantala, sinabi ni Salceda na handa na ang Bayanihan 3 Bill para maisalang sa plenaryo sa muling pagbabalik-sesyon sa May 17.
Noong nakalipas na Biyernes ay nagpulong ang ilang lider ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco kasama ang economic managers upang talakayin ang COVID-19 response at mga hakbang para mapondohan ang Bayanihan 3, na sa bersyon sa Kamara ay nangangailangan ng P420 billion.
Pero ngayon, ang pondo para sa Bayanihan 3 ay ibinaba na sa P370 billion kungsaan ang budget ay balak na hugutin sa mga “obese” na government owned and controlled corporations o GOCCs at iba pang tax measures.