Advertisers
NANAWAGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga organizers ng community pantries na kailangan kumuha muna sila ng permit sa local government units (LGUs) bago sila magtayo ng mga ito.
Katwiran ni DILG Undersecretary Martin Diño, noong una kasi ay paisa-isa pa lamang ang mga pantries maging ang mga nagtutungo doon ngunit kalaunan ay dumami na raw ang mga community pantries.
Giit pa ni Diño na kailangan makipag-ugnayan ang mga organizers ng commumity pantries sa mga LGUs para mapanatili ang mga health protocols ngayong pandemya.
Nababahala si Diño na baka dahil sa hindi mapigilang pagdagsa rito ng mga tao ay hindi na masunod ang minimum health protocols gaya na lamang ng pagsusuot ng face masks at face shields.
Gayunman saludo si Diño sa mga efforts ng mga organizers ng community pantries at iginiit pa nito na kailangan pa ring may guidance dito ang mga opisyales ng barangay at LGUs.
Hinggil naman sa isyu naman ng red tagging sa mga organizers ng community pantries, nilinaw nito na concern lang talaga nila ay ang bigong pagsunod sa social distancing ng mga residenteng nagtutungo sa lugar.
Samantala umalma ang netizens sa naging aksyon na ito ng DILG. (Josephine Patricio)