Advertisers
SA pagnanais na mabakunahan ang lahat ng mamamayan sa San Jose Del Monte City sa Bulacan, nagpahayag si San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes na naglaan ang pamahalaang lungsod ng inisyal na P100 milyon para sa pagbili ng Covid-19 vaccines.
Sinabi ni Robes na pinaplantsa na ng lokal na pamahalaan ang tripartite agreement sa ilang gumagawa ng bakuna upang mabili na sasapat para sa higit isang milyong mamamayan ng lungsod.
“The city government of SJDM has allotted an initial amount of P100 million for the purchase of vaccines and additional funding will be allotted depending on the final cost of the vaccines and actual number of those who will get the vaccines,” ipinunto pa ni Robes.
Idinugtong niya na layunin ng kanyang asawa, Mayor Arthur Robes, na mabakunahan ang 75 porsiyento ng kanilang mamamayan sa pagtatapos ng taon 2021 upang makamit nila ang kawan ng maliligtas sa sakit, habang ang nalalabing 25 porsiyento ay mabakunahan sa unang bahagi ng taon 2022, depende sa mabibiling bakuna ng pambansang pamahalan.
Sa kabila ng limitadong suplay ng bakuna, nakamit parin ng SJDM ang 90 porsiyentong target na mabakunahang health workers. Sa huling datus ng Public Information Office (PIO) ng lungsod noong Abril 6, 2021, nakapagbakuna ang city health department ng 3,459 mula sa kabuuang bilang na 3,895 health workers o 88,81 porsyentong target. Tumanggap sila ng bakuna kung hindi Sinovac ay AstraZeneca.
Ang lungsod ay nakapagbakuna rin ng 100 porsiyento mula sa target na 220 katao na nakapagrehistro na pawang may comorbidities o nasa kategoryang A3.
Ipinagpatuloy rin ng lungsod ang pagbabakuna sa target na 22,039 senior citizens na nakapagrehistro para mabakunahan bagama’t nauna nang itinigil pansamantala ng pambansang pamahalaan ang paggamit ng AstraZeneca sa mga may edad dahil sa usaping pangkaligtasan.