Advertisers
PINAGTANGGOL ni Cavite Governor Jonvic Remulla laban kay Manila Mayor Isko Domagoso si Mayor Jun Dualan ng Naic sa nangyaring kastiguhan sa pamimigay ng ayuda.
Sinabing ito ay dahil sa hindi o huling pagbibigay ng SAP (Special Amelioration Program) sa ilang residente ng Naic na mga bagong salta mula Maynila.
Ang mga naturang bagong residente ng Naic na galing Maynila ay relocatees, dating informal settlers sa Maynila na tinanggap ng Naic para makatira sa pabahay ng National Housing Authority (NHA).
“Yung sinasabi ni Yorme na hindi binigyan ng SAP ang mga galing Maynila? Ito ay dahil kulang ang ibinigay ng national government ayon sa kada-pamilya na apektado,” sabi ni Remulla.
Paliwanag ng gobernador: “Ang bilang ng SAP ay ayon sa 2015 census. Ibig sabihin, ang SAP na para sa 1,092 pamilya ay naka-pondo po ngayon sa Maynila at hindi sa Naic. Lumipat lamang ang mga pamilya na ito noong 2019. Kaya’t sinong Mayor ang may hawak ng pera?!”
“Yorme, huwag mo namang sabihin na hindi namin iniintindi ang mga galing Maynila. Sila ay nag-aaral sa aming mga paaralan at humingi ng tulong sa aming Mayor. Nag-aaral ang mga kabataan sa aming state university ng libre. Lahat ng basic services ay binibigay namin. Kahit galing Maynila, basta lumipat sa Cavite ay Caviteño narin ang turing namin,” mensahe ni Remulla kay Moreno.
At sa huling bahagi ng Facebook post ni Remulla ay mas mabibigat na salita ang binitiwan nito laban kay Moreno.
“Hirap na hirap na nga kami dito, kami pa ang ginawa mong rason dahil sa pagka-atat mong sumikat. Sana, pag-aralan mo muna ang suliranin bago ka magpuputak ng walang kwenta. Kung pagpapasikat lang ang gusto mo? Hindi mo kailangan mang-apak ng Caviteño. Wag kaming mga Caviteño ang pag-initan mo. Hindi ka namin uurungan,” sabi pa ni Remulla.
Noong nakaraang taon, minsan narin nakabanggaan ni Moreno ang ilang senador dahil sa kanyang naging pahayag nang hindi diumano pagtatrabaho ng ilang mambabatas sa kabila ng pandemya.
Wala pang reaksyon si Moreno sa mga banat ni Remulla.