Advertisers
MISTULANG palengke na ang laki ng mga binuksang community pantry sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas.
Sa Datu Saudi-Ampatuan, Maguindanao, libre na ang lahat ng pagkain na nakalatag sa gilid ng kalsada nitong Sabado. Mga manok, isda, gulay, prutas, tinapay, at maging sabon ang libreng ipinamigay sa mga residente.
Ayon sa nagbahagi ng mga larawan, pinlano ito ng alkalde at kaniyang pamilya. Dinagsa ito ng mga residente kaya madali ring naubos ang mga ipinamigay.
Dahil karamihan sa residente’y Muslim, libreng iftar narin ito o pagkain sa hapon pagkatapos ng fasting.
Samantala, sa Alaminos, Pangasinan, 100 kilong tilapia ang ipinamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Mariculture Technology Demonstration Center para sa ilang community pantry sa lungsod.
Bukod sa kanilang donasyon sa mga barangay, nasa 50 kilong isda rin ang ipinamahagi sa quarantine facilities at checkpoints.
Sa Hagonoy, Bulacan naman, isang Barangay Kapitana dela Cruz ang nagbukas ng tila palengke na community pantry na naglalaman ng samu’t saring mga gulay, prutas, itlog, noodles, mga isdang bangus at marami pa.
Sa Quezon City, patuloy na pinipilahan ang Maginhawa Community Pantry na pinangangasiwaan ng umano’y “aktibistang” si Patricia Non. Higit isang linggo na ang kanyang pantry na lalong lumaki dahil maraming nagdadatingang donasyon mula sa mga magsasaka, mangingisda at mga negosyante. Maging ang ambassador ng Germany ay nag-donate kay Non.
Kahit saang lungsod ngayon sa Metro Manila ay mayroon nang community pantry na inorganisa ng barangay at mga pribadong indibidwal.
Dahil sa pagdami ng community pantry, medyo naibsan ang paghihirap sa paghahanap ng makakain ang maraming mamamayan na nawalan ng trabaho sa higit isang taon nang under quarantine ng bansa dahil sa pandemya ng Covid-19.
Usap-usapan sa social media na sana’y magbukas din ng community quarantine ang mga bilyonaryong Villar, Sy ng Shoemart, Ramon Ang, Lucio Tan, Enrique Razon, Ayala at Gokongwei.