Advertisers
SUSPENDIDO hanggang Mayo 14 ang voter registration sa National Capital Region (NCR) Plus kasunod ng pagpapalawig ng pamahalaan sa umiiral ditong modified enhanced community quarantine (MECQ), ayon sa COMELEC.
Sinabi ng COMELEC na ang mga trabaho sa mga tanggapan sa NCR Plus ay suspendido rin mula Mayo 1 hanggang 14, kaya’t ang voter registration at pag-i-isyu ng voter’s certification ay suspendido rin.
Samantala, sa Santiago City, Isabela; Abra at Quirino ay suspendido rin ang voter registration at issuance of voter’s certification mula Mayo 1 hanggang 31.
Ang voter registration at issuance ng voter’s certification ay suspendido rin sa iba pang lugar na isinailalim sa ECQ o MECQ ng kani-kanilang local government units (LGUs) para sa anumang specific period sa buwan ng Mayo.
Sinabi naman ng Comelec na sa buong panahon ng MECQ sa NCR Plus areas at iba pang lugar, ay bukas ang Comelec Office for Overseas Voting (OFOV) sa Intramuros, Maynila upang asikasuhin ang mga voter registration applicants na nangangailangan nito para sa kanilang biyahe.
Nabatid na ang OFOV ay maaaring makontak sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page o ng email sa overseasvoting@comelec.gov.ph o ov.concerns@comelec.gov.ph, o sa pamamagitan ng mga numerong 09050345158 o 09158759882.
Samantala, tuloy naman ang voter registration at issuance ng voter’s certification sa iba pang panig ng bansa, na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) o modified GCQ (MGCQ) mula Lunes hanggang Huwebes. (Andi Garcia)