Advertisers

Advertisers

Pagbibigay ng voter’s certification simula uli ngayon – Comelec

0 240

Advertisers

MAGBIBIGAY na muli ang Commission on Elections ng voter’s certification para sa local registered voters sa kanilang punong tanggapan sa Intramuros, Manila, ngayong Lunes, Mayo 10.
Sinabi ng Comelec, ang mga botante sa buong bansa ay maaaring mag-aplay para sa voter’s certification mula Lunes hanggang Huwebes, 8:00AM hanggang 4:30PM sa Comelec- National Central File Division (NCFD) satellite office, na matatagpuan sa likod ng Chowking sa FEMII Building, Extension Cabildo St., kanto ng A. Soriano Avenue, Intramuros.
Sinabi naman ni Comelec Spokesperson James Jimenez na kailangan munang magtakda ng appointment ang sinumang botante na nais na kumuha ng voter’s certification.
Pinaalalahanan din niya ang mga botante na kukuha nito na sumunod sa health protocols at tiyaking nakasuot ng face mask at face shield upang payagan silang makapasok sa kanilang tanggapan.
Ani Jimenez, maaaring magpa-appointment sa pamamagitan ng Facebook Page ng Comelec-NCDF na accessible sa pamamagitan ng link na bit.ly/NCFDFBPage.
Kailangan aniyang magtungo sa bit.lyOnlineVoterCertificationApplication at mag-fill out ng online Voter Certification Request Form at i-click ang submit upang maipadala ang completed form sa Comelec.
Matapos ito ay makakatanggap ng Appointment Confirmation Slip ang aplikante, na dapat nitong i-print.
Maaari aniyang magtungo ang aplikante sa Comelec-NCFD satellite office sa takdang oras at petsa na itinakda ng poll body para sa kanya.
Kailangan din umanong iprisinta niya ang appointment slip na kanyang ipina-print at magdala ng iba pang documentary requirements.
Sa sandaling makapagbayad na ng P75 ay maaari nang hintayin ang pagre-release ng kanyang voter’s certification.
Sa mismong araw ng appointment ay kailangan din umanong magprisinta sa satellite office ng isang balidong ID at magsumite ng photocopy nito.
Kung hindi makakapunta ang mismong nag-a-aplay ng voter’s certification ay maaari naman umano siyang magpakuha sa isang authorized representative ngunit kailangang may dala itong authorization letter, gayundin ng isang balidong ID at photocopy nito.
Ipinaalala naman ng Comelec na libre ang voter’s certification para sa mga senior citizen, persons with disability (PWDs), mga miyembro ng mga Indigenous Peoples (IPs) at Indigenous Cultural Communities (ICCs) at solo parents. (Andi Garcia)